Apolinario, tanging World Champion na Pinoy boxer
ni Gerard Arce - @Sports | July 31, 2022

Muling binigyan ni Dave “Dobermann” Apolinario ng bagong World champion ang Pilipinas sa larangan ng professional boxing ng mabilis na tinapos ang dating kampeon na si Gideon Buthelezi ng South Africa upang makuha ang IBO World Flyweight title sa bisa ng first round knockout kahapon sa International Convention Center sa East London, South Africa.
Tumuntong sa dayuhang bansa ang 23-anyos na tubong Maasin, Sarangani na handang ibuhos ang lahat ng sinanay at paghahanda sa kompetisyon nang pabagsakin ang kapwa kaliweteng South African ng malupit na left cross matapos magmintis ang kanang hook para tapusin ang matagal na paghahari ng 36-anyos na dating three-division World champion sa 2:50 ng first round.
“We knew he would knockout him. It was a matter of time,” wika ni Sanman Promotions CEO Jim Claude Manangquil sa panayam ng RingTV. “We’re gonna celebrate and work on bigger things next.”
Tila tinuldukan ng Filipino undefeated champion ang bansa ng panibagong kampeon matapos ang sunod-sunod na pagkabigo sa World title fights mula kina dating super-flyweight Jerwin “Pretty Boy” Ancajas, bantamweight Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr, John Riel “Quadro Alas” Casimero, Mark “Magnifico” Magsayo, at Donnie “Ahas” Nietes sa mga nagdaang laban.
Mas lalo pang pinatibay ni Apolinario ang kanyang kartada sa 17 panalo kasama ang 12 knockouts, habang bumagsak sa kanyang ika-6th pagkatalo si Buthelezi mula sa 23 panalo at 5 knockouts na natapos ang 9-fight winning streak simula noong Oktubre 2015. Ito rin ang ikalawang beses na natalo ang South African sa isang Filipino boxer ng pabagsakin sa first round ni Edrin Dapudong noong Hunyo 2013 para sa IBO super-flyweight title.
Gayunpaman, bago ang laban kay Apolinario ay nabiktima na ni Buthelezi ang ibang Filipino boxers na sina Ronelle Ferreras, Julius Alcos, Dapudong, at Ryan Rey Ponteras.
Samantala, hindi naman pinalad ang isa pang Pinoy na si Ben Manaquil ngmasubsob ito sa fifth round kontra kay African Phumelele Cafu para sa WBC Intercontinental super-flyweight belt.





Comments