top of page

Aplikante ng PNP, buking sa pekeng RT-PCR test results

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 10, 2021
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | June 10, 2021



Nagsumite pala ng pekeng RT-PCR test results ang ilang aplikante sa pagkapulis sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).


Dahil d’yan, iniutos ni PNP Chief Guillermo Eleazar na awtomatikong idiskuwalipika ang mga aplikanteng ito at sampahan ng kaso!


◘◘◘


SIYAM sa 66 applicants ay inabsuwelto at nilinis na ang pangalan pero ang 54 iba pang aplikante na mula sa Lanao del Sur ay iniimbestigahan pa.


Natuklasan ang kalokohan nang magsiyasat si PCol Nora Camarao, hepe ng PNP Recruitment and Selection Service Unit!


◘◘◘


“I have already issued an order to delist the names of all the applicants who deliberately submitted fake RT-PCR tests in PRO-BAR,” wika ni PGen Eleazar.


“For all we know, kapag nakapasok ang mga ito ay baka ito yung mga pulis na magtatanim lang nang ebidensya dahil ngayon pa nga lang may kalokohan ng ginawa,” dagdag ng hepe ng PNP!


◘◘◘


INAMIN ng mga aplikante na hindi sila sumailalim sa swab test at nagsumite raw sila ng fake document.


Nabatid na nagbayad sila ng tig-P500 sa fake RT-PCR result!


◘◘◘


IBINUNYAG ng ilang aplikante na sumailalim sila sa swab test pero hindi nila alam na peke ang isinumite nilang RT-PCR results.


“Nagbigay na ako ng instruction na yung mga aplikante na sinadyang mag-submit ng pekeng RT-PCR result ay hindi lang i-disqualify kundi kasuhan na rin,” banta ni Eleazar.


◘◘◘


NANINIWALA si Gen. Eleazar na ang kabulastugang ito sa recruitment process ng PNP ang siyang unang sintomas kung bakit nakakapasok ang mga bulok sa hanay ng pulisya.


Iniutos na rin ni Gen. Eleazar na muling isailalim sa swab test ang ilang aplikante na hindi alam kung peke o genuine ang isinumiteng swab test results!


◘◘◘


IPINATUTUPAD ngayon sa PNP ang internal cleansing kung saan sinisibak at kinakasuhan ang mga gumagawa ng kalokohan.


Nilinaw din ni Gen. Eleazar na hindi uubra ang ‘Padrino System’ sa pagpasok sa PNP!


◘◘◘


MAKIKITA rito na ang resulta ng RT-PCR Test na inilalabas ng ilang fly-by-night laboratory ay palsipikado pero posibleng ibinibilang din ng DOH sa inilalabas na daily monitoring report.


Ibig sabihin, kung napepeke ang negatibong resulta gamit ang “RT-PCR Test result”, posibleng peke rin ang ilang resulta na nagbubunsod ng “positive results” na ginagamit naman sa pag-claim sa COVID fund!


◘◘◘


MALAKING bagay ang mismong pagbubunyag ni Gen. Eleazar dahil lumilitaw na hindi maaaring pagkatiwalaan ang “RT-PCR result” document tulad sa aktuwal na naganap sa PNP recruitment process sa Bangsamoro area.


Para maresolba ang ganitong klase ng problema sa PNP, inirerekomenda ni Gen. Eleazar ang paggamit ng QR code upang maingatan at maging highly confidential ang personalidad ng mga aplikante!


◘◘◘


PALAWAKIN sana ang imbestigasyon at hindi lamang ang may kaugnayan sa PNP recruitment bagkus ay maging sa iba pang katulad nito.


Ibig sabihin, tulad sa ginawa ng PNP na nagsagawa ng validation, dapat awtomatikong ina-authenticate ang lahat ng RT-PCR Test resulta bago ibilang sa “datos” na inilalabas ng DOH araw-araw!


◘◘◘


ANG datos na inilalabas ng DOH araw-araw ay posibleng may kahalong “fake result” pero pinagbabatayan ng desisyon ng Malacañang.


Mahalaga ang “validation o authentication” ng RT-PCT test result—bago ito isapubliko tulad sa ginawa ng PNP kanilang recruitment process!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page