top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Apela sa mga influencer, pag-endorso ng illegal online gambling, tigilan na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 6, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 6, 2023


Hinimok ng isang digital advocate ang ilang mga influencer na itigil na ng mga ito ang pag-eendorso ng mga unregistered online gambling site.


Ayon kay Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo, dapat tingnan ng mga social media influencer ang kanilang kinikita mula sa mga unregulated gambling operator at isaalang-alang din ang nakakasamang epekto sa mga magiging biktima na dulot ng kanilang impluwensya.


Giit ni Gustilo, dapat huminto na ang mga naturang influencer sa pakikipag-ugnayan sa mga hindi rehistradong online gambling site dahil ang kanilang pag-endorso rito ay lumilikha lamang ng mas maraming biktima. Kailangan nilang malaman na ang kanilang endorsement ang tumutulong upang lumikha ng sitwasyon para ang mga tao ay malinlang o maloko ng mga illegal sites na ito.


Hinikayat din niya ang mga ito na ibunyag sa mga awtoridad kung sino ang kanilang mga contact sa mga illegal gambling site.


Nauna nang hinimok ng Digital Pinoys ang National Telecommunications Commission (NTC) na i-block ang mga illegal online gambling site na nag-o-operate sa Pilipinas.


Bukod sa pag-operate nang walang tamang permit, pinaniniwalaang sangkot din ang mga illegal gambling site sa mga nakaraang insidente ng hindi awtorisadong transaksyon sa e-wallet at online banking accounts.


Hinikayat naman ng digital expert ang gobyerno na makipag-ugnayan sa mga network na nagho-host ng mga gambling site.


Nakakabahala ang mga ginagawa ng mga influencer na pag-eendorso ng mga hindi rehistradong site ng ilegal na pagsusugal.


Batid natin na matindi ang kanilang impluwensya, kaya madali para sa mga kababayan na maniwala at magtiwala hanggang sa pasukin na nila ang ganitong ilegal na gawain.


Subalit, kung akala ng marami ay nakakatulong ang ilegal na pagsusugal, kabaligtaran ito dahil lalo pang pahihirapin nito ang inyong pamumuhay.


Panawagan natin sa mga influencer na maging responsable kayo sa inyong mga ineendorso, at isipin n’yo rin sana ang maaaring kahinatnan ng panghihikayat n'yo sa iba kung ito ba ay makakabuti o makakasama.


Hiling din natin sa kinauukulan na mas paigtingin ang pagsugpo sa mga online illegal gambling.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page