Apektado ng giyera sa Middle East... P3 bilyon para sa OFWs — PBBM
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | June 22, 2026

Photo: Bongbong Marcos - FB
Naglaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng karagdagang P3 bilyong pondo para sa Department of Migrant Workers (DMW) upang matiyak ang ligtas na pagpapauwi at kabuhayan ng mga overseas Filipino worker (OFW) na naapektuhan ng gulo sa Middle East.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, gagamitin ang pondo para sa buong proseso ng saklolo kabilang ang tulong bago umalis, pamasahe sa eroplano, at mga programa sa re-integrasyon o muling pagsisimula ng mga Pilipino sa bansa.
“War or not, there are Filipinos in extreme distress that we should bring home,” wika ni Recto.
Nabatid na umabot na sa 10,446 Pilipino ang ligtas na naibalik sa Pilipinas mula sa Gitnang Silangan hanggang Hunyo 17 sa pamamagitan ng mga humanitarian flight na inorganisa ng DMW
Batay sa datos ng ahensya, kabilang sa mga nakauwing Pilipino ang 8,281 overseas Filipino workers (OFWs), 1,803 dependents o mga kaanak, at 362 stranded na mamamayan na naapektuhan ng sitwasyon sa rehiyon.
“If you will recall, these flights became medevacs for sick Filipinos as well. The DMW, through the brilliant leadership of Secretary Hans Cacdac, brought medical personnel on board to care for them,” ani Recto.
“Ang utos niya ay hindi puwedeng paglapag dito, bahala na kayo. Ang gusto ng Pangulo, may hatid sa probinsya sa lubhang nangangailangan, at higit sa lahat mga economic opportunities,” wika pa ni Recto.
Pagdating sa bansa, makakatanggap ang mga ito ng tulong pinansyal, psychosocial counseling, medical assessment, at gabay sa paghahanap ng trabaho.
Para sa pangkabuhayan, nagbibigay ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng hanggang P20,000 na puhunan para sa mga gustong magnegosyo.
Nagdaos na rin ang DMW ng 15 job fairs sa buong bansa, habang naglaan naman ang Department of Education (DepEd) ng mabilis na proseso ng pagtanggap para sa mga bumalik na OFW na lisensyadong guro upang makapagturo sa mga pampublikong paaralan.





Comments