top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Apat na taon ngayong araw nang maging malaya muli

BULGAR
Dec 7, 2022
2 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 7, 2022


Apat na taong eksakto ngayong araw nang ako’y mapawalang-sala ng Sandiganbayan at tuluyan nang maging malayang muli matapos ang halos limang taon kong pamamalagi sa loob ng Camp Crame.


Matapos basahin ang desisyon sa Sandiganbayan nang umagang iyon ng December 7, 2018 ay hindi ko na nga napansin ang mga nakapaligid sa akin dahil sa bugso ng mga nangibabaw na emosyon – magkahalong pasasalamat at hindi maipaliwanag na kasiyahan.


Gusto kong sumigaw ng napakalakas para pakawalan ang bitbit kong galit, agam-agam, pighati, na sa wakas ay nangibabaw na ang katotohanan. Wala akong ibang nasa isip noon kung hindi ang ako ay nanalo sa labang ito, dahil kailan man ay hindi magtatagumpay ang kasamaan laban sa kabutihan.


Hindi ko tuloy maiwasan na maalala ngayon ang aking ama na tila hinintay lang na matupad ang kanyang pangako sa akin na hindi niya ako iiwan hanggang malinis ko na ang aking pangalan. Ilang buwan lang kasi matapos akong lumaya at bumalik sa Senado ay tuluyan na siyang nagpahinga at namaalam.


Ngayong araw ay nanumbalik lahat at ngayon ko unti-unting naiisip na ang halos limang taong pananatili ko pala sa loob ng piitan ay hindi ko gaanong naramdaman ngunit ngayon ko napagtanto na napakatagal pala.


Sa kabila ng lahat ng paghihirap, paninira, pangungutya at pambababoy ng mga nasa likuran ng mga imbentong kaso na isinampa sa akin, ang kanilang mga batalyon ng trolls na walang tigil, ay hindi matutumbasan ang aking pakiramdam na muling maging malaya.


Kaya kahit araw at gabi ay wala nang ginawa ang mga trolls kung hindi ang banatan ako sa social media, lalo na noong nasa poder pa ang mga nasa likod para ipakulong ako at hanggang ngayon ay may mangilan-ngilan pa ring bumabanat dahil nandiyan pa ang ilang galamay, hindi na ako nagpapaapekto sa kanila.


Kahit pa madalas pa akong hinahabol ng mga panunuya, lahat ng masasakit na salita, na kulang na lamang ay tarakan ako ng patalim sa dibdib sa social media at gusto talaga nila akong palabasin na masama, okay lang.


Ngayon pa ba ako panghihinaan na alam ko ang mga taong ito ay hindi naman kailan man naniniwala sa katotohanan dahil ang gusto lang nila paniwalaan ay ang gusto nilang palabasin. Bakit tayo papaapekto sa hayagan nilang pagtalikod sa katotohanan at hindi alintana ang desisyon ng Sandiganbayan?


Alam naman ito ng kalaban natin sa pulitika ngunit hindi talaga nila ito tatanggapin kahit kailan dahil parang tinanggap na rin nila ang kanilang ginawang kasamaan sa akin.


Sa ngayon ay nakatuon ako na mas mapagbuti pa ang aking panunungkulan bilang Senador at napakarami na ng naipasa nating batas at marami pang nakabinbing panukala na lahat ay para sa ikabubuti ng ating mga kababayan.


Utang ko ang muli kong pagbabalik sa Senado sa mga kababayan nating tama kung mag-isip at hindi nagpapaimpluwensya sa dikta ng mga kalaban natin pulitika at iyon ay ang mga nagmamahal pa rin sa atin hanggang ngayon.


Nawalan man tayo ng mahigit apat na taon sa ating buhay ay natuto naman tayo ng higit pa sa kanilang inaakala at ang masamang panaginip na iyon ay hindi naging bangungot para hadlangan tayo sa ating paglilingkod.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page