Antetokounmpo, sakalam sa Bucks; George nanaig vs. Jazz
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 31, 2022

Mahirap na talaga pumili ng mananalo sa NBA Eastern Conference at kumolekta ng mahalagang panalo ang Milwaukee Bucks sa Philadelphia 76ers, 118-116, sa tapatan ng dalawang koponan na pumasok na tabla para sa pangalawang puwesto kahapon sa Wells Fargo Center. Maaaring umabot pa ng huling araw sa Abril 12 upang matiyak ang mga papasok sa playoffs sa pinakamahigpit na karera sa nakalipas na dekada.
Ipinasok ni Giannis Antetokoumpo ang isang free throw upang dagdagan ang lamang ng Bucks na may 13 segundo sa orasan, 118-116. Tumawag ng timeout ang 76ers at nagmintis ang three-points ni James Harden subalit nakuha ni Joel Embiid ang bola ngunit sinupalpal siya ni Giannis upang mapreserba ang tagumpay ng Bucks.
Pang-MVP ang numero ni Giannis na 40 puntos, 14 rebound at tatlong tapal. Lumapit ng kalahating laro ang Milwaukee (47-28) numero unong Miami Heat (48-28) habang lumagpak ang 76ers (46-29) sa pang-apat sabay akyat ng nagpapahingang Boston Celtics (47-29) sa pangatlo.
Sumabay ang pagbabalik aksyon ni Paul George sa pagdiwang ng LA Clippers ng Filipino Heritage Night at nanaig sa bisitang Utah Jazz at kabayan Jordan Clarkson, 121-115. Huling naglaro si George noong Disyembre 22 at lumiban ng 43 laro dahil napilay ang siko.
Matiyagang humabol ang Clippers mula sa 76-51 lamang ng Jazz sa third quarter. Huling tinikman ng Utah ang lamang sa shoot ni Rudy Gobert, 115-114, subalit hindi na pinapuntos ng LA ang Jazz sa huling 1:20 at umabante salamat sa 3-points ni Luke Kennard at mga free throw nina Reggie Jackson at George. Nagtapos si George na may 34 puntos sa 31 minuto. Sinundan nina Jackson na may 21 puntos at Kennard na may 17 buhat sa apat na tres.
Madaling pinatahimik ng Dallas Mavericks ang bisitang Los Angeles Lakers, 128-110, sa likod ng 34 puntos, 12 rebound at 12 assist ni Luka Doncic. Hindi naglaro si LeBron James dahil may pilay sa bukong-bukong at pumantay ang Lakers sa San Antonio Spurs sa 31-44 para sa ika-10 puwesto sa Western Conference subalit hawak ng Spurs ang tiebreak para sa huling upuan sa Play-In Tournament.





Comments