Ano kaya ang pramis ni P-BBM kay Sen. Dela Rosa at naging happy ito?
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 1, 2023
UNITEAM NG MARCOS AT DUTERTE BUO PA RIN, KASI KAPAG LUMALABAS NG BANSA SI P-BBM ANG OIC NG ‘PINAS SI VP SARA -- Kinumpirma ni Vice President, Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio na walang lamat ang UniTeam nila ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM), na buo pa rin ang team ng Marcos at Duterte.
May katotohanan ang sinabing ‘yan ni VP Sara at patunay d’yan na sa bawat labas ng bansa ni P-BBM, ang bise presidente ang ginagawa niyang OIC o Officer-in-Charge ng ‘Pinas, period!
◘◘◘
MAY PUNTO SI SEN. IMEE SA SINABI NIYANG BAKA MAGKAGULO KAPAG PUMASOK SA ‘PINAS ANG ICC DAHIL ‘DI PAPAYAG ANG MGA DDS NA IMBESTIGAHAN SI EX-P-DUTERTE -- Nanawagan si presidential sister, Sen. Imee Marcos sa mga nagsusulong ng resolusyon sa Kamara at maging sa Senado na papasukin sa bansa ang mga International Criminal Court (ICC) investigators para imbestigahan ang drug war ng nakaraang Duterte administration, na “huwag silang maghanap ng gulo”.
Sa totoo lang, may punto si Sen. Imee sa sinabi niyang ito na baka magkagulo kasi sa rami ng Duterte Diehard Supporters (DDS), milyun-milyon pa ang mga DDS ay tiyak hindi papayag ang mga ito na pumasok sa ‘Pinas ang mga ICC investigator para imbestigahan si ex-P-Duterte, boom!
◘◘◘
HAPPY NA SI SEN. DELA ROSA, KAYA SA MGA NAGSUSULONG NG RESO NA PAPASUKIN SA ‘PINAS ANG ICC, HUWAG NANG MAG-AKSAYA NG PANAHON DAHIL BAKA NAIPANGAKO NA NI P-BBM NA ‘DI MAKAKAPASOK SA ‘PINAS ANG ICC -- Sa panayam ng mga mamamahayag kay Sen. Ronald Dela Rosa patungkol sa kung ano ang napag-usapan nilang dalawa ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) kaugnay sa isyung pagpasok ng ICC investigators sa bansa, ang tanging tugon ng senador ay “happy” daw siya.
At dahil happy si Sen. Dela Rosa na indikasyong maaaring naipangako sa kanya ni P-BBM na hindi makakapasok sa bansa ang mga ICC investigator para imbestigahan ang drug war sa panahon na siya pa ang PNP chief, dapat tigilan na ng mga anti-Duterte congressmen and senators ang paggawa ng resolusyon pabor sa ICC dahil nag-aaksaya lang sila ng panahon, boom!
◘◘◘
WALANG TULUGAN ANG MGA NAGSUSUGAL SA MGA MINI-CASINO NI ‘PATRICK’ SA BAGUIO CITY AT BENGUET -- Wala na raw tulugan ang mga sugarol sa mga mini-casino ni alyas “Patrick” sa Baguio City at La Trinidad, Benguet.
Walang tulugan? Aba’y dapat i-raid ‘yan ng PNP-Drug Enforcement Group at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasi kung ganyang hindi na nagsisitulog sa kasusugal ang mga sugarol d’yan, baka habang nagsusugal ay nagsisipagdroga ang mga iyan, period!





Comments