Ano ang magiging epekto sa pinagsanlaan kapag ang isinanlang gamit ay ibinenta sa ibang tao?
- BULGAR

- Jul 4, 2020
- 1 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 4, 2020
Dear Chief Acosta,
Ang aking laptop ay isinangla ko sa isang kaibigan. Ngayon, nais ko itong ibenta dahil nais kong bumili ng iba na mas maganda. Nais kong malaman kung maaari ko ba itong ibenta sa ibang tao kahit pa nakasangla pa ito sa iba at kung ano ba ang magiging epekto nito sa taong bibili. – Mat
Dear Mat,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Article 2097 ng Civil Code. Nabanggit dito na:
“Article 2097. With the consent of the pledgee, the thing pledged may be alienated by the pledgor or owner, subject to the pledge. The ownership of the thing pledged is transmitted to the vendee or transferee as soon as the pledgee consents to the alienation, but the latter shall continue in possession. (n)” Sang-ayon sa nabanggit na batas, maaari lamang ninyong ibenta ang laptop na inyong isinangla kapag sumang-ayon dito ang inyong kaibigan na pinagsanglaan ninyo nito. Ang pagmamay-ari ng laptop na inyong isinangla ay malilipat sa bumili nito sa pagkakataong pumayag ang pinagsanglaan ninyo nito. Gayunpaman, ang laptop na ito ay mananatili pa rin sa taong pinagsanglaan hanggang matapos ang inyong kontrata.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.





Comments