Anisimov bumida uli sa Stage 5, Tugawin 2nd, Hoon Lee 3rd
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Elyssa Nichole @Sports | May 4, 2026

Photo: MPTC
Tuguegarao City - Pinadyak ni Russian rider Ivan Anisimov ng LCW UAE Cycling Team ang back-to-back lap winner matapos nitong sikwatin ang Stage 5 sa MPTC Tour of Luzon na nagtapos dito sa harapan ng City Hall kahapon.
Inirehistro ni 23-year-old Moscow native, Anisimov ang tiyempong 2 oras, 47 minuto at 26 segundo sa 130.60 kms Santiago - Tuguegarao City race sapat upang ungusan ang malaking grupo ng mga siklista na tumawid sa finish line.
Dumating na segundo si Excellent Noodles skipper Ryan Tugawin at tersero ang pambato ng Seoul Cycling Team na si Jung Hoon Lee sa event na suportado ng Metro Pacific Tollways Corp.
Kasama si overall leader sa Individual General Classification Nikita Shulchenko sa nasabing lead group na dumating sa finish line at dahil pare-pareho ang kanilang oras ay mananatili sa kanya ang symbolic yellow jersey sa Stage 6 na ilalarga ngayong araw.
Nakalikom si Shulchenko ng 13:46:45, 49 segundo lang sa second placer at teammate na si Syrian cyclist Ibrahiem Yousef Alrefai, 2 minuto at 4 na segundo naman ang hinahabol ng 3rd placer na si Pinoy rider Emmanuel Dave Montemayor ng Go for Gold Philippines sa una.
Nasa 4th hanggang 10th sa IGC sina Excellent Noodles bet Sumiso Basalan (+2:09), 7-Eleven Roadbike Philippines riders Mervin Corpuz (+2:15) at Antoine Huby (+2:16), Standard Insurance Philippines cyclist Dave Cangayao (+2:16), Ronnilan Quita (+2:22) ng 7-Eleven, Excellent Noodles member Tyler Hannay (+2:51) at Rench Michael Bondoc (+2:55) ng Go for Gold.
Sa katunayan nagbalak ang Filipino riders na kumawala sa kaagahan ng pedalan kung saan ay kasama si Tugawin sa 13-man lead pack pero hindi sila nahabol ng main peloton kaya kumpulan silang dumating sa meta. Samantala, ilalarga ngayong araw ang 228.80 Tuguegarao City hanggang Pagudpod, Ilocos Norte.




Comments