Ang walang kamatayang ilaw ng mga kristiyanong martir sa Mindanao
- BULGAR
- Mar 19, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 19, 2023
Noong Miyerkules, ika-17 ng Marso, 2023 sa Notre Dame de M’lang, North Cotabato, pagkatapos ng pag-awit ng Lupang Hinirang, panunumpa sa watawat at pagro-rosaryo ng 707 estudyante, itinanim namin ang kauna-unahang Pilgrim-Mission Cross sa Mindanao.
Simbolo ang Pilgrim-Mission Cross ng hamon, pananagutan at sakripisyong hinihingi ng pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano-Katoliko na sinimulan ng mga unang misyonero mula noong ika-16 ng Marso, 1521 hanggang kasalukuyan. Nakinig, nagdasal, nakiisa, at sama-samang nangarap ang lahat mula sa mga bulilit sa Kinder hanggang sa kanilang mga ate at kuya sa Grade 12, mga guro, madre at mga magulang.
Damang-dama ang kabanalan at kadakilaan ng hamon ng Pilgrim-Mission Cross of the next 500 years (2021-2521).
Pagkatapos ng pagtatanim ng Pilgrim-Mission Cross sa Notre Dame de M’lang, North Cotabato, tumungo naman tayo sa bahay at tanggapan ni Bishop Colin Bagaforo, Obispo ng Diocese ng Kidapawan. Dadalaw sana ako kay Bishop Colin, subalit nasa isang retreat house ito kasama ng mga pari para sa kanilang taunang “Lenten Recollection.”
Hindi sayang ang dalaw ko, palagi akong nagtutungo sa libingan ng kilalang martir ng panahon ng diktador at may-akda ng Batas Militar noong dekada ‘60 hanggang ‘80. Tuwing nasa Kidapawan ako, hindi maaaring hindi dumalaw sa puntod ng paring martir na si Padre Tullio Favali (PIME).
At habang tahimik tayong nag-aalay ng panalangin sa puntod ng naturang pari, lumapit sa amin si Padre Peter Geremia at sinariwa sa amin ang mga nangyari noong Abril 1985.
Ika-11 ng Abril, 1985, dumating ang magkakapatid na Norberto, Elpidio at Edilberto Manero sa Km 125 sa Bgy. Esperanza, Tulunan, Hilagang Cotabato. Hanap-hanap ng mga ito si Padre Peter Geremia, isang paring Italyano na masugid na sumusuporta sa mga Lumad sa pagtatanggol ng mga ito sa kanilang ancestral land laban sa lahat ng uri ng panghihimasok mula sa mga land grabbers hanggang sa mga magmimina, loggers, at iba’t ibang nagbubungkal at naghahakot ng sari-saring pagkakaperahang yamang lupa.
Balak nilang patayin si Padre Geremia at ayon din sa kanilang plano, sakaling hindi mapatay ang naturang pari, papatay din sila ng ibang paring banyaga bilang kapalit nito.
Ngunit, wala sa Tulunan si Padre Peter. Nang araw na ito, habang dumadalaw sa isang pamilya sa Bgy. Esperanza si Padre Tulio Favali, sinunog ng mga magkakapatid na Manero ang motorsiklo nito at pinagbabaril nang 23 beses, at pinagsisipa sa ulo sabay iwinasiwas ang sabog na utak nito bago ito pagpistahan. Totoo man ito o hindi, ito ang kumalat na istorya ng mga nakasaksi sa malagim na pagpatay kay Padre Tulio Favali.
Nahuli at nakulong si Norberto Manero na kilalang ‘Kumander Bukay’ ng grupong Ilaga, isang grupong vigilante na sinusuportahan ng militar nang panahong ‘yun para tugisin ang mga NPA.
Dalawampu’t tatlong taon nakulong si Norberto Manero, binigyan ito ni dating Pangulong Fidel Ramos ng presidential clemency, ngunit panahon na ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (GMA), noong ika-25 ng Enero 2008 nang matupad ang pagpapalayang handog ni Pangulong Ramos. Hindi ito tinutulan ng simbahang Katoliko at ayon kay Padre Peter Geremia, isa sa mga unang ginawa ni Manero ay ang humingi ng tawad sa simbahan para sa kanyang nagawang krimen laban kay Padre Tulio Favali. “Patay na si Kumander Bukay. Tawagin n’yo na lang akong Nonoy,” ang binitiwang salita ni Manero, ayon kay Padre Geremia na saksi sa mga pangyayari.
Hindi tinutulan ng simbahang Katoliko ang pagbibigay ng presidential clemency kay Manero.
Matagal na rin ang 23 taong pagkakakulong dahil malinaw ang epekto nito kay Manero.
Bago kami naghiwalay ni Padre Geremia, nangako ako na palagi ko siyang ipagdarasal para ipagpatuloy ang kanyang pagtaguyod sa mga karapatan at kapakanan ng mga Lumad. Humingi rin ako ng panalangin sa paring itinuturing kong buhay na martir dahil sa kanyang walang sawang pagsaksi sa pagmamahal ng Diyos para sa mga napapabayaan at madalas apihing katutubo ng Mindanao, ang kanyang mahal na mga Lumad.
Salamat Padre Tulio at Fausto, at maraming-maraming salamat din, Padre Peter Geremia!








Comments