top of page
Search
  • BULGAR

Ang tunay na guro, hiyas ng katotohanan, hiyas ng buhay

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 14, 2022


“Isang tunay na guro!” “Nanay, kaibigan, kasama, katawanan, kalakbay sa paghahanap ng katotohanan at kabuluhan sa buhay!” Ilan lang ito sa maraming marubdob na katagang binitawan ng mga naging mag-aaral ni Maureen Pagaduan Bandayrel. Nagkatipun-tipon muli noong nakaraan Huwebes, ika-11 ng Agosto ang ilang kaibigan, kamag-anak, kasamang-guro sa CSWCD-UP o ng College of Social Work and Community Development ng Unibersidad ng Pilipinas. Dalawang taon nang patay si Prof. Mo at mula noong malubha pa lamang si Maureen, “Mo” para sa kanyang asawang si Jun, mga kapatid, kaibigan, kapwa guro at mga estudyante, naiimbitahan na akong dumalaw sa bahay nina Jun at Mo upang mag-alay ng misa, magdasal at humingi ng paghihilom para kay Mo. Lumubha at namatay si Mo, nagkita-kita kami muli. Ganun muli nang dumaan ang isang taon. At ngayong ikalawang taon ng kanyang pagkamatay, nagkita-kita muli ang mga nagmamahal kay Mo.


Mapalad na nakatabi ko sa handaan pagkatapos ng misa si Dr. Angelito Manalili, na mas kilala sa pangalang Ka Lito. Isa sa piling-piling Professor Emeritus si Ka Lito. Ang ibig sabihin nito ay Professor of Professors, Teacher of Teachers, isang dakila at hindi lang magaling na guro si Ka Lito. Kakaibang kausap si Ka Lito. Parang hindi ka nakikinig sa karaniwang tao, kundi sa “Katotohanan Mismo.” Dahil sa mga munti, ngunit tunay namang kakaibang karanasan noong Huwebes, naisip kong magsulat ng pagninilay at pasasalamat sa mga naging guro ko noon hanggang ngayon maging sa loob at labas ng paaralan, kolehiyo at unibersidad. Magandang serbisyo ito para sa mga haligi ng edukasyon, ilang araw bago muling magbukas ang mga paaralan sa sari-saring uri ng paghaharap-harap pagkaraan ng higit na dalawang taon ng pandemya.


Nagkataong kapwa taga-Unibersidad ng Pilipinas sina Prof Mo Pagaduan at Prof “Ka Lito” Angelito Manalili. Kung aalalahanin kong pabalik ang mga naging guro sa aking buhay, kailangan ding magsimula ako sa mga naging guro ko sa huling pormal na pag-aaral ko sa unibersidad. At ang unibersidad na ito ay ang UP. Galak na galak at puno ako ng pasasalamat sa mga sumusunod na propesor: Prospero Covar, Relly Rolda, Michael Tan, Mam Celia, Letty Lagmay, Dok Longacre, Kiko Datar, Connie Alaras, Alfredo “Yabu” Lagmay, NVM Gonzales, Manny at Amelia Bonifacio, Jose at Madelyn Maceda, Ramon Santos, Connie Paz, Adjit Rye, Dodong Nemenso, Mario at Alma Miclat, Jerome Bailen at napakarami pang iba na napakayaman at makulay na mahigit sampung taong pag-aaral ng Agham Tao (Antropolohiya) sa UP.


Magkahalong tuwa at lungkot ang naramdaman ko sa pagsisikap na alalahanin ang mga propesor na nakilala, napakinggan, nakatalakayan at nakasama sa paglalakbay tungo sa malayang kaisipan ng Katotohanan. 'Yan ang UP, ang unibersidad ng malayang pag-iisip. Ibang-iba sa mga unibersidad, kolehiyo at paaralang nakagisnan ko. Hindi naging madali ang mga unang araw, linggo at buwan ko sa UP. Ibang mag-isip, magsalita at kumilos ang mga propesor sa UP at gayundin ang mga mag-aaral nito. Pakiramdam ko sa sarili ay isang kahon na pumasok sa walang hangganang espasyo na ang mga naroroon ay walang sawa, walang tigil na humu-hulma ng bagay na tahanan ng katotohanan. Hindi naghihintay na manguna at magbigay ng halimbawa o modelo ang guro. Ikaw na mismo ang maghahanap at magsisimulang lumikha ng iyong hulmahang-katotohanan.


UP lang ba ang ganito? O, likas bang ganito ang mga tunay na guro? Malinaw na hanggang mga guro at propesor lang ng UP ang maisasama ko sa sinusulat kong ito. Napakaraming magigiting at dakilang guro. Sa dami ng naging guro at propesor ko hanggang sa mga unang hakbang ng batang musmos na pumasok sa paaralan ni Ginang San Pedro sa tabi ng simbahan sa Baryo Tugatog sa Malabon kukulangin ang munting espasyo ng alaalang ito. At kung paano rin maisusulat ang naging bunga ng pakikinig at malugod na pagsama sa malayang paglalakbay-isip, diwa at espiritu kasama ang iba’t ibang guro na may kani-kanyang ilaw, kulay, init, angas, dating at lakas… Sapat nang pasalamatan sila sa pagiging mga hiyas ng katotohanan at buhay sa gitna ng marumi at masangsang na burak ng kasinungalingan at kagaspangan. Salamat. Maraming salamat. Mga dakila’t mabubuting guro. Tanglawan ninyo ang mga bagong guro at propesor ng kasalukuyang henerasyon. Sa tulong ng inyong walang kamatayang apoy ng malaya at nagpapalayang kaisipan, nawa’y sila at ang kanilang mga estudyante ay lumaya at magpalaya sa iba.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page