Ang pandemya at ang mga namumuno sa bansa
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 24, 2022
Bukas ang mga sinehan at merong mga nanonood, pero marami namang simbahan ang nagsara -- marami rin ang natatakot magsimba. Maraming kabataan ang naglalaro ng Mobile Legend, ngunit tamad naman gumawa ng “modules” o um-attend sa kanilang mga “online class.”
Nakaraming gagawin sa bahay mula paghuhugas ng pinagkainan hanggang sa pagwawalis ng mga dahong nagkalat sa bakuran, ngunit mas pinipiling manood ng Netflix. Maraming ayaw lumabas dahil takot mahawa sa COVID-19 at mapilitang magpa-swab test, ngunit mabilis sumama sa biglaang paanyaya ng barkada na magkainan at mag-inuman.
May kasabihan sa Ingles na, “The spirit is willing but the flesh is weak.” Handa ang espiritu, ngunit mahina ang laman. Dahil dito, binuo ng simbahan ang iba’t ibang paraan ng paghubog sa pagkatao ng bawat Kristiyano para hindi madala ng anumang kahinaan o bumigay sa anumang tukso.
Sa ebanghelyo sa araw ng linggo, mababasa natin ang tungkol sa pagpunta ni HesuKristo sa templo sa kanyang bayan ng Nazaret. At nang nasa loob na siya ng templo ay binasa Niya ang inabot sa kanyang rolyo ng lumang tipan mula kay propeta Isaias: “Sumasakin ang Espiritu ng Panginoon kaya’t pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo Niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng panigin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.”
Ibinibigay na sa atin ng Panginoon ang lahat ng pagsubok. Nasa atin na kung ano ang ating itutugon sa lahat ng mga ito. Dumaan ang matinding panahon ng magagaspang at mararahas na pananalita mula sa Pangulo. Sinundan ito ng pag-utos na patayin ang mga sangkot sa ilegal na droga na nagbigay-daan sa sunud-sunod na pagbagsak ng maliliit na mamamayang pinaghihinalaang sangkot sa droga.
Ayon sa tala ng kapulisan, umabot na ng mahigit 8,000 ang nabawian ng buhay sa kampanyang laban sa ilegal na droga.
Sa dami ng mga isyu na dapat nating harapin, pag-usapan at sama-samang tugunan, patuloy pa rin ang walang katiyakang tugon ng pamahalaan sa pandemya. Oo nga't sa wakas, tila pinapaspasan na nila ang pagpapabakuna sa lahat. Sayang kung naging masigasig sila sa pagbabakuna noong simula pa ng pandemya, naiwasan, marahil ang napakaraming kamatayan at natulungang magpabakuna ang higit na nakararami para mabilis nating nakamit ang naturang na “herd immunity.”
Kung ipinairal nila sa kanilang isip, puso, kaluluwa ang Espiritu ng Diyos at hindi ang espiritu ng mga diyus-diyosan, naging maaga at mabilis ang kanilang katugunan sa pandemya. Subalit, namayani ang takot sa hustisya dahil sa papalapit nang desisyong ng International Criminal Court na nagtutulak sa Pangulo na gawin niya ang lahat para hindi siya at ang kanyang mga kasamang sangkot ay makulong.
Pangalawa, namamayani rin ang espiritu ng ambisyon. Sa kabila ng anim na taon ng panunungkulan, tuloy pa rin ang kanilang pagnanasang manatili at ipagpatuloy ang paghawak sa kapangyarihan.
At pangatlo, tila nagsasanib-puwersa na ang personalidad na merong pare-parehong interes, tulad ni ex-P-Erap, ex-P-GMA, ex-Sen. Bongbong at P-Duterte.
Nakalulungkot isipin na habang nalilito at nawawalan ng gana at pag-asa, maaaring nagiging desperado pa ang marami dahil walang pakialam ang mga namumuno.
Higit na mahalaga sa kanila ang sariling kapakanan at ambisyon.
Kung hirap buksan ng mga namumuno ang kanilang isip, puso at kaluluwa sa Espiritu ng Diyos, baka may higit na pag-asang mabuksan ang isip, puso at kaluluwa ng karaniwang mamamayan.





Comments