top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Ang paghihirap at pang-aabuso ay may katapusan!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 21, 2021
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo| February 21, 2021



Mag-aapat na taon na ang hindi makatarungang pagkulong kay Sen. Leila de Lima. Bagama’t isa lamang sa tatlong kaso ang ibinasura ng korte, malaking bagay na ito para sa patuloy na pakikibaka ng senadora hindi lang para sa kanyang kalayaan kundi sa kaligtasan ng lahat sa salot ng EJK at iba pang pang-aabuso at kalabisan ng mga korte o ng kabuuang sistema ng hustisya ng ating bansa.


Ano kaya ang dahilan ng patuloy na panggigipit sa kanya? Pinipilit ba nilang sirain ang loob ng matapang at matalinong senadora? O dahil sa galit bunga ng paghain nito ng kaso ng mga EJK sa Davao?


Sa unang dahilan ng panggigipit, hindi mababali, masisira ang loob ng senadora. Ang matinding pagbubukod at pagkukulong sa senadora ay nagbibigay ng pagkakataong palalimin pa ang kanyang pananalig sa Diyos at patalasin at palinawagin pa ang kanyang isipan upang higit nitong maunawaan ang lahat ng aspeto at anggulo ng mga kaganapan sa lipunan.


Sa pangalawang dahilan, hindi nagugulat ang senadora sa mapaghiganting pagtrato sa kanya ng pangulo. Noon pa niya alam kung paano ito gumanti sa kanyang mga kritiko at kaaway.

Ang ganitong paghihiganti na gamit ang batas ay malinaw na ebidensiya ng paglubog, paghina at pagkawala ng integridad at kredibilidad ng sistema ng katarungan ng ating bansa.


Bagama’t hindi lahat ng mga hurado, justices, fiscal at abogado ay nabibili, marami-rami na rin ang natuto na gawing “negosyo” ang katarungan. ‘Ika nga, “justice, decisions for sale.”


Meron pang dalawang kasong hindi nabasura. At nag-file ng “demurrer to evidence” laban sa mga ito ang senadora. Malinaw na hindi pa tapos ang laban.


Kakaiba ang lakas ng katotohanan at kabutihan. Oo kadalasa’y matagal ang pakikibaka para sa katotohanan at katarungan at tila mas madaling gumawa ng ilegal at mali, subalit may katapusan ang lahat — may hangganan ang kasamaan. Pero ang katotohanan, kabutihan, kagandahang-loob ay walang hanggan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page