top of page

Ancajas target si Naoya Uunahin muna si Takuma

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 5, 2023
  • 2 min read

ni Gerard Arce @Sports | July 5, 2023




Puntiryang matupad ni dating super-flyweight World champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas na matuloy ang naunsyaming laban kay dating undisputed bantamweight at undefeated Japanese Slugger Naoya “Monster” Inoue sa hinaharap, ngunit uunahin muna niyang pabagsakin ang nakababatang kapatid na si WBA 118-pound titlist Takuma Inoue sa title bout ngayong taon.


Posibleng makaharap ng 31-anyos mula Panabo, Davao del Norte sa hinaharap si Naoya na malaki ang panghihinayang nang hindi matuloy na unification bout noong 2017 matapos ang unang title defense laban kay Jose Alfredo Rodriguez para sa International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight na nauwi sa 7th round stoppage sa Macau.


Kasabayan ni Ancajas si Naoya sa paghawak ng isang kampeonato na pinaghaharian ni Naoya ang World Boxing Organization (WBO) title na limang beses na nitong nadedepensahan, kung saan nakipag-ugnayan ang kampo ng Japanese boxer sa panig nina Ancajas upang itulak ang unification bout. Subalit kinalauna’y nakahanap ng ibang makakalaban si Inoue sa katauhan ni Ricardo Rodriguez noong Mayo 21, 2017 sa Japan na nagtapos sa 3rd round knockout.


Noong unang depensa ni Jerwin sa Macau, nag-contact agad iyong kampo ni Naoya sa amin, nagka-offer kami, hinihintay 'yung kontrata namin. Eh biglang kumuha ng ibang kalaban, kaya nanghinayang kami kase gusto rin namin makalaban si Naoya nun,” kwento ni chief trainer at manager na si Joven Jimenez sa programang Bulgar Sports TV: Sports Beat nitong Biyernes ng umaga. “Talagang gusto naming habulin yan, kase andun yung pangalan at andun din yung malaking pera. Eh kapag tinalo namin 'yan talagang sisikat ka sa buong mundo. Kase pound-for-pound siya ngayon,” dagdag ni Jimenez.


Ito rin umano ang madalas na binabanggit ni Ancajas (34-3-2, 23KOs), na matagumpay sa katatapos na laban sa kanyang 118-lb debut kontra kay Wilner Soto na pinasuko sa fifth round TKO, kay MP Promotions President Sean Gibbons kung magkakalinaw pa bang matuloy ang laban sa nakatatandang Inoue, na isa sa mga inaabangan ng mga Filipinong boksingero dahil sa dami ng tinalong Pinoy nito. “Talagang lagi namin yang binabanggit si Naoya, kase 'yung unang depensa ko nag-contact na sila. Kumbaga, kahit walang titulo, makalaban ko lang siya at makaharap si Naoya, 'yun na yung isa sa goal ko na bilang boksingero (achievement) sa career, gusto ko rin talaga makaharap siya,” bulalas ni Ancajas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page