ni Gerard Arce @Sports | February 26, 2024
Hindi pinalad na makuha ni dating World champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas ang kanyang ikalawang pagsubok sa kampeonato matapos sumuko sa ika-siyam na round laban kay reigning at defending World Boxing Association (WBA) bantamweight titlist Takuma Inoue matapos masapol ng malakas na upak sa bodega sa 12-round main event bout ng “Prime Video Presents Live Boxing 7” Sabado ng gabi sa Ryogoku Kokugikan National Sumo Arena sa Sumida City sa Tokyo, Japan.
Nagtapos ang pag-asang magtagumpay muli sa ikalawang weight division si Ancajas kasunod ng pagyuko nito sa bilang ni referee Mark Nelson sa 44 segundo ng naturang round matapos tamaan ng kanang uppercut sa sikmura kasunod ng ilang palitan ng suntok upang malasap ang ikaapat na pagkatalo kasama ang 34 panalo at dalawang table, habang nakuha ni Inoue ang kanyang ika-anim na sunod na panalo kabilang ang matagumpay na unang depensa sa naunang bakanteng titulong napanalunan kay Liborio Solis ng Venezuela nung isang taon.
Ito ang unang beses na napatumba ang 32-anyos mula Panabo City, Davao del Norte sa isang laban na unang beses ring sumabak sa bansang Japan, para malasap ang kanyang ika-apat na pagkabigo matapos mabitawan ang kanyang International Boxing Federation (IBF) super-flyweight laban kay Fernando “Pumita” Martinez ng Argentina sa dalawang beses na paghaharap nung 2022.
Nagmistulang hindi umepekto ang plano ng mas malaki at mas matangkad na Pinoy boxer na pinuntiryang patamaan sa simula pa lamang ng laban ang bodega at tagiliran ng nakababatang Inoue, kapatid ni undefeated at undisputed junior-featherweight champion na si “The Monster” Naoya Inoue.
Subalit sa pagpilit na ituloy ang kanyang planong tamaan ang katawan ni Inoue, kung saan naging dahilan ng pagkakaudlot ng unang laban nung Nobyembre 15, 2023 dahil sa nakuha umanong rib injury sa ensayo.
Comments