top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Ancajas, gigil na babawiin ang korona kay Martinez

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 8, 2022
2 min read

ni Gerard Arce - @Sports | October 8, 2022



Pursigido si dating IBF super-flyweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas na mabawi ang nawalang korona kontra sa kasalukuyang kampeon na si Fernando “Pumita” Martinez ng Argentina sa kanilang rematch Linggo ng umaga sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California sa U.S.


Kinuha ng 30-anyos na dating long-time 115-lb champ ang kanyang rematch clause at ipinagpaliban muna ang pag-akyat sa bantamweight division. Lumipad ito patungong U.S. upang ipagpatuloy ang kanyang pagsasanay at paghahanda laban sa Argentinian boxer na nagdomina sa kanya sa bisa ng unanimous decision noong Pebrero 26 sa The Cosmopolitan sa Las Vegas Nevada.


Matatandaang nagkaroon ng matinding problema sa kondisyon si Ancajas patungo sa kanyang ika-10th title defense kay Martinez na nagresulta sa pagkawala ng titulo.


Nagsimulang magsanay ito sa Naval Special Operations Group headquarters sa Sangley Point noong Agosto sa Survival Camp sa Magallanes, Cavite bago tumulak patungong U.S.


Kumuha pa ang grupo ng nutritionist mula kay dating Southeast Asian Games Kurash silver medalist na si Bianca Estrella, gayundin ang pagtetraining ng todo sa Top Rank Gym kasama ang mga sparmates na sina Sultan, John Mark Alimane, at Daniel Lim.


Nangako ang tubong Panabo, Davao del Norte na gagawin niya ang lahat upang muling mabawi ang titulo na tiyak na ikasusurpresa ng kampo ni Martinez. Bumanat ng husto sa sparring sessions si Ancajas, na siyam na beses na naepensahan ang titulo buhat nung mapagwagian ito nung Setyembre 2016 kay McJoe Arroyo.


Parte rin ng naturang bakbakan ang pagdepensa ni unbeaten super welterweight sensation Sebastian “The Towering Inferno’’ Fundora sa kanyang Interim WBC Super Welterweight Title laban kay dating title challenger Carlos Ocampo, gayundin ang laban nina middleweight Juan Macias Montiel kontra Carlos Adames para sa Interim WBC Middleweight Title.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page