Ancajas, dodoblehin ang paghahanda sa rematch
ni Gerard Arce - @Sports | March 2, 2022

Lubos na paghahandaang mabuti ni dating Filipino super-flyweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas sakaling makaharap muli si newly-crowned IBF 115-pound champion Fernando Daniel “Pumita” Martinez ng Argentina para sa rematch matapos agawin sa kanya ang titulo noong Linggo sa Cosmopolitan Arena, Las Vegas, Nevada.
Nadomina ang 30-anyos na tubong Panabo, Davao del Norte ng mas determinado, inspirado at agresibong undefeated Argentinian boxer na nagamit ang amateur boxing skills na minsang sumabak sa 2016 Rio Olympics.
Naging pamalit na lang sa laban ni Ancajas ang Buenos Aires boxer matapos maunsyami ang dapat na unification bout nila ni WBO titlist Kazuto Ioka ng Japan noong Dis. 31 sa Ota City Gym sa Tokyo dahil sa paghihigpit ng gobyerno ng Japan bunsod ng COVID-19 at bagong Omicron variant.
Humiling ng rematch si Ancajas laban kay Martinez na nagpakumbabang binati ang katunggali at nangakong babalik ng mas malakas at tatangkaing bawiin ang korona.
“Kung sakaling maglaban kami ulit at ganun yung laban, mas gagalingan ko pa dahil alam kong magaling si Martinez, pero sa susunod na laban, tiyak na gagawin namin ang lahat para mabawi yung korona,” pahayag ni Ancajas, na nagtapos ang 6 na taong paghahari sa IBF crown matapos ang matagumpay na 9-title defense.
“Nakita natin na gaano kadeterminado si Martinez ngayon at ipinakita niya kung anong kakayanan ng challenger. Sa ngayon, marami akong natutunan sa laban na ito."





Comments