Anak, sinita sa parking... NBI personnel, hinamon ng barilan ang mga enforcer, lagot
- BULGAR

- 7 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | August 17, 2026

Photo: LTO Philippines
Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang driver's license ng isang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pakikipagkomprontasyon nito sa mga enforcers ng LTO sa kalagitnaan ng roadside enforcement operation nitong Agosto 12 sa Lipa City, Batangas.
Ayon sa LTO Central Office, nagsimula ang insidente nang sitahin ng LTO law enforcers ang isang sasakyang ilegal na nakaparada sa national highway at nakahahadlang sa daloy ng trapiko.
Inatasan ang driver na ilipat ang sasakyan sa itinalagang parking area, ngunit tumanggi umano itong sumunod at kinuwestiyon ang awtoridad ng mga enforcer.
Sinasabing nagpakilala umano ang driver bilang ahente ng NBI sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang NBI badge.
Habang kinakausap ng mga LTO personnel ang driver, dumating ang kanyang ama sakay ng isang pickup truck at nagpakilalang personnel ng NBI.
Kinuwestiyon din umano nito ang awtoridad ng mga LTO law enforcer na sumita sa kanyang anak.
Sa gitna ng komprontasyon, nagbanggit ang NBI personnel na mayroon siyang baril at hinamon ang mga LTO law enforcer na makipagbarilan.
Bunsod ng insidente ay ipinarating agad sa LTO Central office ang ginawa ng NBI agent.
Nagsagawa ang LTO ng imbestigasyon sa insidente kung saan natuklasan din na gumagamit ng hindi awtorisadong blinkers ang pickup truck ng NBI agent.
Naglabas ang LTO ng Show Cause Order laban sa registered owner at driver ng pickup truck at inatasan silang humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office upang ipaliwanag ang mga umano'y paglabag at magsumite ng mga kinakailangang dokumento.
Ayon kay LTO Chief Assistant Sec. Markus V. Lacanilao, tungkulin lamang ng mga law enforcer na panatilihin ang kaayusan at kaligtasan sa kalsada.





Comments