Anak ni DOJ Chief Remulla, arestado sa P1.3M na droga
- BULGAR
- Oct 13, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | October 13, 2022

Arestado ang panganay na anak ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa ikinasang anti-illegal drug operation ng mga awtoridad, ayon sa kapatid ng opisyal na si Cavite Governor Jonvic Remulla ngayong Huwebes.
Sa isang statement, sinabi ni Secretary Remulla, na nasa Switzerland ngayon para dumalo sa 51st session ng UN Human Rights Council, na nagpapasalamat siya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagtupad ng mga ito sa kanilang tungkulin na aniya, “without fear or favor.”
Sa isang Facebook post, ayon kay Gov. Remulla, si Juanito Jose Diaz Remulla III, na kanyang pamangkin at panganay na anak ng DOJ chief, ay inaresto ng mga law enforcement authorities nitong Martes sa Las Piñas City dahil umano sa possession ng hinihinalang kush marijuana.
Ayon sa mga awtoridad, nakuha umano mula kay Juanito ang dalawang packets na naglalaman ng hinihinalang kush marijuana na tinatayang nasa P1.3 milyon ang halaga.
Sa report ng pulisya, ang mga droga ay nakumpiska umano sa ginawang controlled delivery na ikinasa ng inter-agency task force sa isang bahay sa Las Piñas City, kung saan ang suspek ang sinasabing claimant o intended recipient ng naturang parcel.
Batay din sa ulat, ang hinihinalang kush marijuana ay nagmula umano sa abroad.
Sumailalim na si Juanito sa inquest proceedings ngayong Huwebes ng umaga.
“This is a very difficult time for me and my family, but this is nothing compared to what so many Filipinos are going through. I will respect the Justice system. And I wish my son a path to redemption,” pahayag ni Secretary Remulla.





Comments