Anak ni Aga, jackpot sa anak ni Ramon Ang… PAMILYA NINA ATASHA AT JACOB, SAMA-SAMA SA DINNER
- BULGAR

- Aug 10
- 3 min read
ni Ambet Nabus @Let's See | August 10, 2025
Photo: Atasha at Jacob - Circulated / FB
Napanood namin ang pagbabalik-Eat… Bulaga! (EB!) ng baby naming si Atasha Muhlach last Saturday.
Sa portion ng The Clones (TC), masayang nakipagkulitan ang magandang dilag na finally nga ay natapos na sa pagsu-shoot ng kauna-unahan niyang pagbibidahang series sa Viva One, ang Bad Genius (BG).
Mas makulit, mas matabil at mas kuwela ang mga hirit ni Tash na halatang na-miss ang Dabarkads at ang live audience.
Kasabay ng pagbabalik nito ay umugong at lumabas din ang mga photo ng dinner ng pamilya niya kasama ang nali-link ditong anak ni SMB top brass Ramon Ang na si Jacob Ang.
Although medyo last 2 months na namin itong nababalitaan, hindi naman conclusive na magdyowa na sila.
Good friendship daw ang foundation ng lahat dahil may mga common friends silang nakasama nila during their schooling days sa London.
Bongga nga lang dahil pormal at talagang kasali ang mga respective families nila sa kanilang bonding moments, gaya nga ng dinner time.
Ultimo ang big boss na si Sir Ramon ay nagpahayag din ng pagkatuwa sa kaibigan ng anak na inilarawan pa niyang maganda, mabait at responsable.
Bunsong anak ni Sir Ramon si Jacob. Actually, dalawa lang naman ang anak niya at dahil namatay na nga ‘yung panganay, lumalabas na nag-iisa na si Jacob kaya marami ang naiinggit kay Tash, if ever man daw na mag-level-up into something more romantic ang friendship nila.
MALUNGKOT ang ‘Tondo Boys’ ng Batang Quiapo (BQ) series na kinabibilangan ng mga character actors, na sa loob ng halos tatlong taon nga ay nagturingan na bilang magkakapatid.
Nang magpaalam nga ang karakter ni Ping Medina, marami rin ang nalungkot kahit aware naman daw silang lahat na anytime soon ay magbaba-bye rin ang bawat karakter.
“Lahat kami ay nagpapasalamat kay Direk Coco (Martin). S’ya talaga ang nagpasimula ng lahat kung bakit mas lumaki ang pamilya namin. Ito nga ‘yung show na malungkot akong aalis,” sey pa ng character actor na anak ng pamosong si Pen Medina na parte rin ng BQ.
Ang bongga nga raw sa naturang extended families nila ay ‘yung suportang ibinibigay ni Coco. Mapa-personal at negosyo, lagi raw nakaalalay ang aktor-direktor sa kanilang lahat.
“KAHIT sa mga usaping pulitika o programa para sa nakararami, suportahan kami. ‘Yung tatay-tatayan naming si Pinuno, Sen. Lito Lapid, lagi ring kaming may bukas na komunikasyon,” pakli pa ng tropang Batang Quiapo (BQ).
Sa katunayan nga raw ay madalas din silang nagtatalu-talo sa mga isyu ng bayan.
“Naku! Ibang klase ang diskusyon. May kani-kanyang opinyon talaga, nagbabanggaan, pero hindi kami nagtatapos na magkaaway dahil nandu’n ‘yung pagrespeto,” dagdag pa nila.
Nasentro nga ang topic sa pagboto ng “YES” ni Sen. Lito kamakailan sa usaping pag-archive ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sobra raw ang respetong nanatili sa bawat isa kahit pa raw may mga katropa silang taliwas sa naging boto ng tatay-tatayan nila.
“But at the end of the day, nagkakaisa kami sa pagsuporta at paggalang sa naging boto n’ya at inunawa ang kanyang posisyon sa naging desisyon ng Supreme Court at ng buong Senado na nakuha nga ang majority vote. Ganu’n ang demokrasya dapat,” paliwanag pa nila.
Kaya nga raw sa BQ series ay may subplot ng pulitika para naman daw mai-present ng show ang iba’t ibang realidad sa gobyerno kahit fictional and yet intriguing ang mga karakter.
“Naku! ‘Yung karakter ni Mayor (Albert Martinez) na nabuking nang bading, bongga ang peg n’ya ru’n. Itanong natin kay Direk Joel Lamangan (na bongga ang karakter bilang si Roda) kung s’ya nga ang nag-suggest na gayahin si… (name ng pulitiko),” hirit pa ng makukulit na BQ boys.
Hahaha! Sino’ng may sabi na puro barilan at suntukan lang ang meron ang Batang Quiapo? Usung-uso rin daw ang Maritesan sa kanila. Hahaha!










Comments