Amor Mi Amor, magilas sa 3 YO Maiden Race

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | April 25, 2022
Nagpakitang-gilas si Amor Mi Amor matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race noong Sabado nang hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Humanga nang husto ang mga karerista sa ipinakitang husay ni Amor Mi Amor, nanalo itong banderang tapos at walang kahirap-hirap na tinawid ang meta.
Sinunggaban agad ni Amor Mi Amor ang unahan paglabas ng aparato, may tatlong kabayo agad ang kanyang lamang sa mga humahabol.
Papasok ng far turn ay lumalapit si Make A Difference kay Amor Mi Amor, subalit hindi ito pinaporma ng winning horse at inilayo muli ang agwat sa apat na kabayo pagdating ng home turn.
"Parang nagtrangko lang si Amor Mi Amor, pinadikit ang kalaban tapos inilayo ulit, kitang-kita na nilalaro ang mga kalaban," saad ni Pablito Gonzales, veteran karerista.
Sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jessie Guce, inirehistro ni Amor Mi Amor ang tiyempong 1:25.6 sa 1,400 meter race.
Nasilo ng connections ni Amor Mi Amor ang added prize na P10,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni Chairman Reli De Leon.





Comments