Amo ang sasagot sa ‘deployment expenses’ ng kasambahay
- BULGAR
- 1 day ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 28, 2025

Dear Chief Acosta,
Balak ko sanang magtrabaho bilang kasambahay. Mayroon na akong nakausap na amo dahil iyon din ang pinapasukan ng pinsan ko. Nagkakaroon ng problema dahil ako ay nakatira sa Bacolod at ang amo na papasukan ko ay nasa Bulacan. Gusto niya na ako ang sumagot sa pamasahe mula Bacolod papunta sa kanilang bahay sa Bulacan, kaso ay wala akong sapat na pera. Maaari ko bang hilingin sa amo ko na sila ang sumagot ng pamasahe ko papunta sa Bulacan? — Lyn
Dear Lyn,
Nakasaad sa Republic Act (R.A.) No. 10361 o ang “Batas Kasambahay” na pinoprotektahan ng Estado ang karapatan ng bawat kasambahay laban sa anumang pang-aabuso, at kinakailangang masigurado na nabibigyan sila ng tamang benepisyo.
Una sa lahat ay alamin muna natin kung ano ba ang depinisyon ng kasambahay ayon sa nasabing batas. Ayon sa Section 4 ng R.A. No. 10361, ang mga kasambahay ay tumutukoy sa mga tao na ang tinatrabaho ay may kaugnayan sa gawaing bahay tulad ng mga katulong, taga-luto, hardinero, taga-laba at iba pa. Narito ang eksaktong depinisyon sa batas:
“SEC. 4. Definition of Terms. – As used in this Act, the term:
d) Domestic worker or “Kasambahay” refers to any person engaged in domestic work within an employment relationship such as, but not limited to, the following: general househelp, nursemaid or “yaya”, cook, gardener, or laundry person, but shall exclude any person who performs domestic work only occasionally or sporadically and not on an occupational basis.
The term shall not include children who are under foster family arrangement, and are provided access to education and given an allowance incidental to education, i.e. “baon”, transportation, school projects and school activities.”
Ayon sa Section 3, Rule II ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. No. 10361, ang employer ang kinakailangang sumagot sa tinatawag na “deployment expenses” na ginagamit ng kasambahay upang makapunta sa lugar ng kanyang trabaho mula sa kanyang tinitirhang lugar:
“Section 3. Deployment Expenses. – The employer, whether the Kasambahay is hired directly or through a PEA, shall pay the expenses directly used for his/her transfer from place of origin to the place of work. x x x”
Kaya naman, maaari mong hilingin sa iyong magiging employer na siya ang sumagot ng iyong pamasahe mula Bacolod papuntang Bulacan para ikaw ay makapagtrabaho bilang kasambahay. Kasama ito sa mga karapatang ibinibigay ng batas sa isang kasambahay.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Commentaires