top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Alternative Learning Programs, malaking tulong sa mga dropout

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 27, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 27, 2024


Dahil sa pagkakaroon ng mga alternative learning programs ng gobyerno, bumaba ng mahigit sa 88% ang bilang ng mga estudyante na huminto sa kanilang pag-aaral sanhi ng teenage pregnancy at early marriage o maagang pag-aasawa.


Sa kanyang ikalawang basic education report, sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na patuloy na pinalalakas ng Department of Education (DepEd) ang kanilang mga mekanismo para protektahan ang mga mag-aaral laban sa lahat ng uri ng karahasan, diskriminasyon, at panganib.


Ayon kay VP Sara, sa pamamagitan ng pagsusulong ng Alternative Delivery Modes ay nagawa nilang mabawasan ang kabuuang bilang ng mga dropout dahil sa teenage pregnancy at maagang pag-aasawa ng 88.85 porsyento. 


Gayunman, hindi naman agad nalinaw kung anong mga taon ang sakop ng naturang report.


Bukod dito, ipinahayag din ni VP Sara na 1,017 teen centers ang muling na-activate para sa health resources at referrals, habang nabuo nila ang child protection committees para turuan ang mga estudyante at ipabatid sa kanila ang usapin tungkol sa karahasan, exploitation o pagsasamantala, at sexual abuse.


Sa kasalukuyan ay nasa 178 kaso ng child abuse ang naresolba na ng Learner Rights and Protection Office ng DepEd.


Kaugnay nito, batay sa revised Kindergarten to Grade 10 (K-10) curriculum, plano ng kagawaran na ituro sa mga learner ang mga aralin hinggil sa sexual and reproductive health rights simula sa Grade 4 level, kung saan ang mga mag-aaral ay karaniwang nasa edad na 8 hanggang 10.


Ang mga Grade 5 student naman ay magkakaroon ng mga lecture patungkol sa malusog na pamamaraan ng pamamahala ng puberty-related changes, communicating needs, at respecting boundaries in relationships. Para naman sa third quarter ng Grade 6, ituturo sa kanila ang respecting basic gender concepts at lahat ng sexual identities.


Ang mga paksa sa social development ay ilalatag naman sa Grade 7, habang ang mga may kaugnayan sa sexually transmitted disease, gaya ng HIV at AIDS, ay para sa mga Grade 8 students.


Ang mga mag-aaral sa Grade 9, na karaniwang may edad 13 hanggang 15, ay bibigyan ng mga aralin o lessons hinggil sa mga paraan para ipakita ang responsableng sexual behaviors at sexual and gender-based violence.


Mabuti naman at nabawasan na ang mga estudyanteng natigil sa kanilang pag-aaral dulot ng maagang pag-aasawa at batang nagbuntis dahil sa mga alternatibong programa sa pag-aaral na inilatag ng ating pamahalaan.


Malaking tulong sa kanila ang mga learning program na ito para maipagpapatuloy nila ang kanilang naantalang edukasyon.


Kumbaga, kahit nahinto ang kanilang pag-aaral ng matagal-tagal ding panahon ay mabibigyan sila ng pagkakataon na muling madagdagan ang kaalaman, maka-graduate at magkaroon ng diploma.


Sa ganitong paraan kasi ay naipapakita natin sa mga kabataang mag-aaral na laging may pag-asa sa kabila ng mga nangyari sa kanilang buhay.


Gayundin, patuloy lang sana ang kinauukulan na maglunsad ng mga programa na mapapakinabangan at matutulungan ang ating mga kababayan.   


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page