All-Pinoy Gilas papasiklab kontra Jordan mamaya sa FIBA Asian Cup Q'fiers
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
by Anthony Servinio @Sports News | August 28, 2026

Photo: Circulated
Laro ngayong Biyernes - MOA
2:00 PM Iran vs. NZ
5:00 PM Syria vs. Australia
8:30 PM Jordan vs. Pilipinas
Handa na ang 12 manlalaro ng Gilas Pilipinas na sasabak kontra sa bisitang Jordan sa simula ng pangalawang yugto ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers Grupo E ngayong Biyernes ng gabi sa MOA Arena.
Malaking bonus para sa mga Pinoy at hindi lang isa kundi tatlong kalidad na sagupaan ang itatanghal. Binubuo ang listahan nina June Mar Fajardo, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Justine Baltazar, Troy Rosario, AJ Edu, Carl Tamayo Juan Gomez de Liano at Chris Newsome na naglaro sa huling qualifier laban sa Australia at Aotearoa New Zealand.
Babalik o idinagdag sina Scottie Thompson, CJay Perez at Kai Sotto. Kailangang magbawas ng dalawa mula sa nakalistang 14 si Coach Tim Cone at ito ay sina RJ Abarrientos at Justin Arana.
Ang mga ibababa ay maaaring iangat muli sa laro laban sa Iran sa Linggo sa parehong palaruan. Ang Jordan ay galing sa ika-45 William Jones Cup noong nakaraang Linggo kung saan sila ay ika-anim. Halos parehong koponan ang sasalang sa pangunguna ng kanilang naturalisadong mamayanan gwardiya Jalen Harris na naglaro ng 13 beses para sa Toronto Raptors noong 2021.
Bitbit ng Falcons ang kartadang 5-1 mula sa unang yugto kumpara sa 2-4 ng Gilas. Ang unang tatlo sa Grupo E at F ang tutuloy sa World Cup habang sasamahan sila ng mas mataas sa mga magtatapos sa ika-apat.
Ang Grupo F ay binubuo ng Lebanon (5-1), Japan (4-2), Qatar (4-2), Timog Korea (3-3), Tsina (3-3) at Saudi Arabia (3-3).
Pasok na ang Qatar bilang host ng torneo mula Agosto 27 hanggang Setyembre 12, 2027. Sa unang laro, haharapin ng Iran (5-1) ang NZ (4-2) at susundan ito agad ng Syria (2-4) laban sa Australia (6-0). Inilipat ng FIBA ang mga laro sa Pilipinas bunga ng patuloy na giyera sa Gitnang Silangan sa pagitan ng Iran laban sa Israel at Amerika.





Comments