ALEX, NAAWA SA ASAWA, NIREGALUHAN NG KOTSE
- BULGAR
- Sep 25, 2024
- 3 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Sep. 25, 2024

Ang bongga ni Alex Gonzaga dahil sinorpresa niya ang asawang si Mikee Morada ng isang brand new car.
Mapapanood sa latest vlog niya sa YouTube (YT) kung paano niya ibinigay kay Mikee ang kanyang regalo na Toyota Innova at talagang na-surprise ang kanyang asawa’t hindi makapaniwala.
Ayon kay Alex ay matagal niyang pinag-isipan ang pagbili ng sasakyan for Mikee pero deserve na deserve naman daw ito ng kanyang mister.
“Sa tagal naming nagde-date ni Mikee, ‘eto, medyo malaking purchase ang ibibigay ko para sa aking asawa,” bungad ni Alex sa video.
Sobrang tipid daw kasi ni Mikee sa sarili at ang kotseng ginagamit daw nito hanggang ngayon ay ‘yung binili pa nito noong 2017. Supposedly ay personal car daw ito pero naging work car na raw nang maging politician ito.
“Personally, wala na talaga s’yang sariling kotse n’ya. Tapos, bumili s’ya recently, 2019, ng car para may extra car sila ng mga staff niya, dahil mahirap na rin ang isang car.
“Bumili siya ng… kumapit kayo, 2002 na van. Vintage na ‘yan, nasa museum na ‘yan sa iba, pero bumili siya,” kuwento ni Alex.
Tumitirik pa raw ang van na nabili, kaya naman feeling niya ay panahon na para magkaroon ang mister ng bagong sasakyan.

“Tingin ko, kailangan ng asawa ko ng additional car lalo na ngayon na mayroon s’yang bagong laban na kakaharapin.
“So, matagal ko itong pinag-isipan at naisip ko na finally, sige, this is the right time para ibigay ito sa kanya,” sey ni Alex.
Nagbigay din siya ng mensahe for Mikee at ini-assure ang mister na naririto siya parati pati na rin ang kanyang pamilya para suportahan ito.
“Gusto kong iparating sa ‘yo, Mikee, kaya ako bibili nito dahil gusto ko lang (malaman mo) na ako ay kasama mo sa journey na iyong tatahakin at ‘yung mga bagay na akala mo’y hindi ko napapansin, napapansin ko,” sey ni Alex.
“Bilang supportive wifey, tinitingnan natin or alam natin from the heart kung ano ba ‘yung need ng asawa natin at kung kaya naman nating ibigay, why not?” saad pa ng kapatid ni Toni Gonzaga.
Masayang-masaya naman si Mikee Morada at naging emosyonal pa habang nagpapasalamat kay Alex Gonzaga at sa pamilya nito.
SUNUD-SUNOD ang acting projects ng Kapuso Oppa na si Kim Ji-Soo matapos niyang pumirma bilang Sparkle artist.
Matatandaan na una siyang napanood sa GMA Network action drama series na Black Rider (BR), kung saan marami ang bumilib sa kanyang pagganap bilang ‘Adrian Park’.
Naging Red Carpet Scene Stealer Awardee rin siya sa GMA Gala 2024.
Malapit na ring ipalabas ang kanyang kauna-unahang Filipino movie na Mujigae kasama sina Rufa Mae Quinto, Alexa Ilacad, Lito Pimentel, atbp..
Hindi lang sa TV at pelikula makikita si Kim Ji-Soo dahil kamakailan lamang ay inilabas na ang ilang episodes ng kanyang YouTube (YT) vlog na ‘Jisoo Road’ at naging active rin siya sa TikTok para mas lalo pang mapalapit sa kanyang mga fans.
Dahil sa init ng suporta ng mga fans sa Kapuso Oppa ay ipinagpapatuloy niya ang kanyang career sa bansa sa kabila ng mga isyung hinarap niya simula pa noong 2021.
Paglilinaw ng South Korean actor, nakausap at nakipag-ayos na siya sa mga taong involved sa ‘school violence’ issue habang wala namang katotohanan ang alegasyong sexual assault.
Nananatiling focused at determinado si Kim Ji-Soo sa kanyang career at nagpapasalamat siya sa kanyang mga fans.
“I am truly grateful for the opportunities I’ve had here. The support from my Filipino fans has been overwhelming, and there is so much more I want to accomplish,” pahayag niya.
Kinakikiligan naman ngayon ang tambalan nila ni Kapuso actress Jillian Ward nang mapabilang siya sa top-rating GMA Afternoon Prime series na Abot-Kamay Na Pangarap (AKNP) bilang si Doc Kim Young.
Kamakailan ay ibinahagi ng Korean actor na mas relaxed at komportable na siya sa set sa tulong na rin ni Jillian Ward.
Comments