Alert Level 1 ng NCR sa Disyembre, posible
- BULGAR
- Nov 17, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 17, 2021
Kaugnay sa patuloy na pagbuti sitwasyon ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR), sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng mailagay sa pinakamaluwag na ‘alert level system’ ang buong rehiyon.
Ito ay kung mapananatili ng rehiyon ang mga tagumpay nito laban sa COVID-19 hanggang Disyembre.
Matatandaang unang sinabi ng Department of Health (DOH) na puwede itong mangyari kung bababa pa ang arawang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa pagitan ng 1,000 hanggang 500.
Sa ilalim ng Alert Level 1 o ang pinakamaluwag na restriksiyon na ipinatutupad sa ilalim ng alert level system, lahat ng tao ay puwede nang pumunta sa lahat ng establisimyento. Papayagan na rin sa “full capacity” ang lahat ng aktibidad na puwede bago ang pandemya habang nagpapatupad ng minimum public health standards.
Gayunman, may ilang kailangan pang makamtan ang NCR bago ito maabot. Kabilang na ang low-risk classification, ibig sabihin ay kailangang mapanatili ito sa loob ng dalawang incubation period.
Ayon sa U.S Centers for Disease Control and Prevention (US CDC), aabot nang hanggang 14-araw ang incubation period ng COVID-19.
Kasama rin ang dami ng nabakunahan, kung saan kinakailangang 70% vaccination coverage sa senior citizens, 70% rin sa may mga karamdaman at hindi bababa sa 50% ng targeted eligible population ang bakunado laban sa COVID-19.
Kung maibababa pa sa Alert Level 1 ang Metro Manila, magandang balita ito dahil ibig sabihin, talagang bumubuti na ang sitwasyon sa rehiyon.
Pero ang tanong, gaano tayo ka-siguradong handa at magiging ligtas ang pagluluwag na ito?
Hindi naman sa pagiging nega, pero ang iniiwasan natin ay ang pabagu-bagong restriksiyon na maaaring magdulot ng kalituhan sa mamamayan.
Nauunawaan nating nais ng iba na masayang makapagdiwang ng Pasko, pero hinay-hinay lang tayo.
Iisa lang naman ang gusto natin at ito ay ang makalaya sa pandemyang ito. Ngunit sa ngayon, kinakailangan ang maingat na pagdedesisyon ng mga kinauukulan at kooperasyon ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários