Alcohol stove, nagliyab… 3 Grade 7 students, nadale sa science experiment
ni Lolet Abania | October 4, 2022

Lapnos ang mukha at katawan ng isa habang dalawa pang Grade 7 students ang napaso matapos na magliyab ang alcohol stove na kanilang ginamit sa science experiment sa Davao de Oro.
Batay sa ulat nagpapagaling na sa ospital si “Tonton,” hindi tunay na pangalan, makaraan ang insidente. Habang nagtamo naman ng minor injuries ang dalawa pang estudyante at nakauwi na rin.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, humina na umano ang apoy sa stove kaya nilagyan ito ng ethyl alcohol ng kanilang guro.
Subalit, biglang lumakas ang apoy mula sa stove at sumiklab ito kay Tonton at sa dalawa pa niyang kaklase.
Nagbigay naman ng tulong ang ina ng naturang guro sa tatlong nasaktang bata.
Nabatid sa pamunuan ng paaralan na wala namang balak na magsampa ng kaso ang mga magulang ng mga bata sa guro.
Sa paunang imbestigasyon ng Department of Education (DepEd), napag-alamang nasunod naman lahat ng panuntunan sa ginawang science experiment.





Comments