Alas Women silver sa SEA V Cup 2nd leg
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 9, 2026

Photo: Silver medalist ang senior level ng Alas Pilipinas women nang magtala ng magkasunod na panalo sa SEA V Cup 2026 Leg 2 at nakuha ang kanilang kauna-unahang silver medal.
Hinambalos ng Alas Pilipinas ang kauna-unahang silver medal finish sa Southeast Asia Volleyball Cup matapos ang makalaglag-bagang panalo sa mahigpit na karibal na Indonesia na nagtapos sa 4th set 25-13, 23-25, 25-19, 33-31 kahapon sa second leg ng 2026 edisyon na ginanap sa sa Chiang Mai Stadium sa Thailand.
Sapol nang lumahok ang Pilipinas sa SEA V Cup noong 2019, nakakalikom na ito ng anim na tansong medalya – kaakibat ang 6-4 tapatan sa Indonesia sa battle-for-third – kabilang ang fourth-place finish sa first leg.
Subalit sa unang pagkakataon, tinibag ang depensa ng Indonesia para sa silver-medal finish. “We prepared for this game because we know we have a chance to get the silver medal. I believe in the team and I know that we can win this game, and I’m happy that we won this game,” pahayag ni three-time collegiate MVP Mhicaela “Bella” Belen sa post-game interview.
“We know that Indonesia will play better against us because we lost against them in the last game, so we have a chance, because we’ve already won two sets against them, and it’s up to us if we finish the game, but I believe the team will deliver and I’m very happy,” dagdag ng Capital1 Solar Spikers top hitter na tumapos ng 17 puntos mula sa 15 atake at dalawang blocks, kasama ang 15 excellent digs.
Nanguna sa iskoring para sa Alas Pilipinas si dating Osaka Marvelous hitter at first leg Best Opposite Hitter Alyssa Solomon sa 19 puntos mula lahat sa atake kasama ang limang digs, na sinundan ni Eya Laure sa 17 puntos galing sa 14 kills at tatlong kill blocks at walong digs, habang nag-ambag si Dell Palomata ng siyam puntos, kabilang ang anim na blocks at tatlong atake at 27 excellent sets si ace playmaker Julia De Guzman kasama ang apat puntos mula sa tatlong atake at isang block.
Nanguna naman para sa Indonesia ang beteranong si Arsela Nuari Purnama sa 19 puntos mula sa 18 atake at isang block, na sinundan ni Medi Yoku sa 18 marka galing sa 17 kills at isang ace, gayundin si De Vega sa 13pts at Chelsa Berliana sa 12 marka.





Comments