top of page
Search
  • BULGAR

Alas Pilipinas mananatiling buo at Souza coach pa rin

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 31, 2024



Sports Photo
Photo: Alas Pilipinas

Medalyang tanso na mas kumikinang sa ginto. Sa gitna ng makasaysayang kampanya sa 2024 AVC Challenge Cup for Women, nanawagan si Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Presidente Ramon “Tats” Suzara na panatilihing buo ang koponan at lalong palakasin ito at kasama din sa plano ang pagpirma muli ni Coach Jorge Souza de Brito. 


Si Coach de Brito ay ipinadala ng FIVB noong 2021. Nakatakda siyang ilipat ng pandaigdigang pederasyon sa Taiwan kung hindi maghahain ng bagong kontrata ang PNVF. 


Napipisil na isama sa koponan sina Bella Belen at Alyssa Solomon ng National University at Casielyn Dongallo ng University of the East.  Bahagi ng unang listahan ang tatlo subalit humingi ng liban ang dalawang NU habang nagpapagaling ng pilay si Dongallo. 


Napipinto rin na maisama sa Alas sina PVL MVP Brooke Van Sickle, Savannah Davidson at MJ Phillips. Inaayos sa ngayon ang kanilang pasaporte at ibang mga dokumente at hinihintay ang basbas ng FIVB na pumapayag na lumipat sila ng pederasyon. 


Matagumpay na nanatili sa kamay ng Vietnam ang kampeonato sa Challenge Cup at winalis ang hamon ng Kazakhstan sa Rizal Memorial Coliseum. Tinapos ng Vietnam ang torneo na perpekto sa anim na laro. Hinirang na Most Valuable Player si Nguyen Thi Bich Tuyen ng Vietnam. May karangalan ding inuwi ang mga kakamping sina Best Libero Nguyen Khanh Dang at Le Thanh Thuy na isa sa Best Middle Blocker. 


Maliban sa tropeo, mapupunta sa Vietnam ang isa pang upuan sa FIVB Challenger Cup bilang kinatawan ng Asya. Ang palaro ay gaganapin sa Ninoy Aquino Stadium mula Hulyo 4 hanggang 7 kung saan makakalaro rin ang Pilipinas bilang punong abala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page