top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Alas nasaktan sa Kazakhstan, shoot sa battle-for-bronze 

Writer: BULGAR
BULGAR
May 29, 2024
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 29, 2024



Sports Photo
Photo: Screenshot from video / ABS-CBN

Mga laro ngayong Miyerkules – Rizal Memorial


10:00 AM Indonesia vs. Hong Kong (para 7th)

1:00 PM India vs. Iran (para 5th)

4:00 PM Australia vs. Philippines (para 3rd)

7:00 PM Kazakhstan vs. Vietnam (Championship) 


Tapos na ang pamamayagpag ng Alas Pilipinas sa semifinals ng 2024 AVC Challenge Cup for Women. Itinapal ng Kazakhstan ang unang talo ng mga Pinay – 25-23, 25-21 at 25-14 kagabi sa biglang tumahimik na Rizal Memorial Coliseum. 


Dahil dito, makukuntento na lang ang Alas na paglabanan ang tanso kontra Australia ngayong Miyerkules simula 4:00 ng hapon. Tinalo ng Pilipinas ang Volleyroos sa kanilang unang laro ng torneo – 22-25, 25-19, 25-16 at 25-21 – at gagawin nila ang lahat na maulit ito.


Haharapin ng Kazakhstan para sa ginto ang defending champion at walang talo Vietnam. Winalis ng Gold Star Warriors ang Volleyroos sa naunang laban, 25-21, 25-19 at 25-16.


Humarurot agad ang mga Kazakh sa unang set, 22-12, subalit hindi natinag ang Alas at lumapit sa likod ni reserba Arah Panique, 22-23. Kumapit ang Kazakhstan para makuha ang set.


Naging mahigpitan ang pangalawang set at nagbanta ang Alas, 21-23, bago kunin ng Kazakhstan ang sumunod na dalawang puntos. Pumasok na ang pagod at naubusan ng hangin ang mga Pinay sa gitna ng lakas at lamang sa tangkad ng kalaban at tuluyang gumuho sa huling set.

 

Kahit anong mangyari, tutuloy ang mga Pinay at ang kampeon sa FIVB Challenger Cup na gaganapin sa Hulyo sa magkalapit na Ninoy Aquino Stadium. Haharapin nila ang Kenya, Argentina at mga itutukoy pang kalahok mula Europa para sa karapatang maglaro sa Volleyball Nations League.  

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page