ni Anthony E. Servinio @Sports | June 7, 2024
Laro ngayong Biyernes – Isa Bin Rashid Hall
7 pm. Pilipinas vs. Thailand (para 9th)
Nakatikim ng unang tagumpay ang Alas Pilipinas laban sa Indonesia sa classification round ng 2024 AVC Challenge Cup for Men sa Isa Bin Rashid Hall sa Bahrain. Dumaan sa apat na set – 25-23, 23-25, 25-14 at 25-22 – bago tumuloy ang Pinoy spikers sa laro para sa ika-9 na puwesto ngayong araw kontra sa dating kampeon na Thailand simula ng 7 p.m. sa parehong palaruan.
Bitbit ang mga aral mula sa dalawang talo sa Tsina at host Bahrain, nakamit ng Alas ang unang set ng torneo kontra sa palaban na Indones na ipinadala ang kanilang Under-20 Team. Pinagsamantalahan ng Indonesia ang mga pagkakamali ng mga Pinoy upang maagaw ang pangalawang set ngunit nagsilbi itong panggising.
Lumabas ang pagiging beterano ng Alas at ibinuhos ang huling 8 puntos mula 17-14 para kumbinsidong wasakin ang tabla at kunin ang pangatlong set. Saglit hinawakan ng Indonesia ang 10-8 bentahe sa ika-4 na set at iyan na rin ang kanilang huling hirit at umarangkada ang Alas, 20-14, na sapat na sapin para makuha ang resulta.
Samantala, haharapin ng 2024 AVC Challenge for Women bronze medalist Alas Pilipinas Women ang pambansang koponan ng Timog Korea sa “Spike, Serve, Unite!” ngayong araw sa Daegu simula 1 p.m. Ang laro ay bahagi ng selebrasyon ng ika-126 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas at ang ika-75 taon ng pagkakaroon ng ugnayan ng dalawang bansa.
Comments