Alas Men, naka-tanso uli sa SEA V.League 2nd leg
- BULGAR
- Aug 27, 2024
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 27, 2024

Nakamit ng Alas Pilipinas ang kanilang ikalawang sunod na pangatlong puwesto sa pagtatapos ng pangalawang yugto ng SEA Men’s V.League 2024 sa Universitas Negeri Yogyakarta sa Indonesia. Nalampasan ng mga Pinoy ang Vietnam sa pinaghirapang limang set – 27-25, 14-25, 22-25, 25-21 at 15-11 limang set – Linggo ng gabi at tumbasan ang kanilang tanso noong unang yugto sa Maynila.
Ginawaran din si Michaelo Buddin ng kanyang pangalawang Best Outside Spiker na kahati si Farhan Halim ng Indonesia. Kasama sa pagiging tanso ang $11,000 (P617,127).
Nanatili ang korona sa Thailand at pinatahimik ang host Indonesia – 25-20, 26-24, 22-25 at 28-26. Ang pangatlong set ang una at nag-iisang set na ipinamigay ng mga Thai buhat pa noong unang yugto.
Napiling Most Valuable Player at Best Opposite Spiker si Napadet Bhinidjee habang ang mga kakamping sina Tanapat Charoensuk ang Best Libero at Kissada Nilsawai ang isang Best Middle Blocker matapos maging MVP sa unang yugto. Best Setter si Dio Zulfikri ng Indonesia habang si Tran Duy Tuyen ng Vietnam ang isa pang Best Middle Blocker.
Samantala, nangako ang negosyanteng si Manuel V. Pangilinan na ibibigay niya ang kanyang buong suporta para maging matagumpay ang pagiging punong abala ng Pilipinas ng FIVB Men’s World Championship mula Setyembre 12 hanggang 28, 2025 sa Mall of Asia at Araneta Coliseum. Bunga ito ng pagpulong kamakailan niya kasama si Philippine National Volleyball Federation Presidente Ramon Suzara.
Bilang bahagi ng paglikha ng ingay para sa higanteng torneo, maglalaro ang Alas Pilipinas Men at Women ng mga exhibition laban sa mga inimbitahang koponan mula Japan sa Setyembre 7 at 8 sa Philsports Arena. Susundan ito ng opisyal na bunutan ng World Cup sa Setyembre 14 para malaman ng 32 pambansang koponan kung sino, saan at kailan ang kanilang mga laro.
Comments