Alas kinapos sa Kazakhs, swak sa classification

by Gerard Arce @Sports News | September 17, 2026

Photo: Ang Alas Pilipinas (Goforgold)
Hindi sapat ang game-high tambalan nina collegiate champions Angel Anne Canino at Alyssa Solomon para buhatin ang Alas Pilipinas women’s volleyball team tungo sa panalo na tatapusin ang kampanya sa paghahanap ng medalya sa 20th Aichi-Nagoya Asian Games matapos yumuko sa Kazakhstan sa iskor na 29-27, 24-26, 23-25, 19-25 para bumagsak sa 0-2 sa Pool B na ginanap sa Okazaki Chuo Sogo Park Gymnasium sa Nagoya, Japan.
Kumamada ang dating UAAP Rookie/MVP na si Canino ng kabuuang 23 puntos mula sa 20 atake dalawang blocks at isang ace, habang sumegunda ang dating Osaka Marvelous hitter na si Solomon sa 20 marka galing sa 15 kills, apat na kill blocks at isang ace na kinakitaan naman ng 29 kabuuang errors upang mabulilyaso ang pagpasok sa quarterfinals.
Kinakitaan agad ng mainit na simula ang pambato ng De La Salle University Lady Spikers sa opening set ng kumamada ito ng apat sa huling anim na puntos ng Alas upang makamit ang inaasam na 27-26 na bentahe, na sinundan ng pandiinang atake ni Eya Laure tungo sa unang panalong set ngayong edisyon, matapos walisin ng China nitong Miyerkules.
Naging matigas naman ang net defense ng Kazakhs pagdating ng second set sa pagtala ng 7 sa kabuuang 12 blocks na pinamunuan ni Tatyana Nikitina na may anim na kabuuang blocks, kumpara sa isa lamang ng Alas, na sumandal sa 18 atake, habang may apat na errors ang Pilipinas laban sa lima ng Kazakhs.
Mas naging epektibo na ang atake ng World 42 Kazakhstan sa sumunod na dalawang sets, na sinabayan ng matutulis na services sa kabuuang siyam kumpara sa tatlo lamang ng Alas Pilipinas, na mag-aabang sa ika-9th hanggang 14th na classification match sa Linggo, habang makakaharap ng Kazakhs ang World No.7 at defending champion China ngayong araw.
Nanguna sa iskoring para sa Kazakhstan si Nikitina sa 19 puntos mula sa 13 atake at anim blocks, na sinundan ni Zhanna Syroyeshkina sa 17 marka galing sa 14 kills at tatlong blocks, gayundin sina Polina Ufimtseva sa 14pts at Kristina Belova sa 12pts. Fourth-place finish ang pinakamataas na puwestong nakamit ng women’s national team sa Asian Games noong 1962 Jakarta Games at 1966 Bangkok meet, habang sa nagdaang 2019 Jakarta-Palembang ay tumapos sa classification round ang Alas sa eight-place exit sa 1-6 rekord, habang hindi nakapagkwalipika sa 2022 Hangzhou Asian Games.





Comments