Alas Girls babawi sa Venezuela binigo ng Peru sa U17 Worlds
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 11, 2026

Photo: Dobleng blockings ang pantapat ng Peru sa spike ng Alas Pilipinas Girls sa yugtong ito ng laban sa FIVB Volleyball Girls U17 World Championship na idinaraos sa San Felipe, Chile. (volleyballworldpix)
Sasalang sa mahalagang misyon ang Alas Pilipinas Girls kontra Venezuela ngayong araw sa huling araw ng pool play upang manatiling buhay ang tsansang makausad sa susunod na round matapos dumapa kontra World No.6 Peru sa 28-26, 22-25, 23-25, 20-25 Martes sa FIVB Volleyball Girls U17 World Championship na ginaganap sa Liceo Mixto San Felipe, Chile.
Habol ng Alas Girls ang makapasok sa Round of 16, na nahaharap sa mabigat na tungkulin na may tangan na 2-2 rekord, katabla ang Venezuela. Hawak ng Venezuelans ang No.3 spot sa 7 puntos, habang kabuntot ang Pilipinas sa anim na marka.
Pasok na sa Round-of-16 ang China matapos walisin ang Mexico sa 25-12, 25-15, 25-17, gayundin ang Peru na may 3-1 kartada, at makakaharap ang Chinese squad sa Pool B match.
Susubok na makaiwas ang Pilipinas at Venezuela sa top team mula sa Pool D, habang may tsansa pa ang Mexico na makapasok sa three points sa 1-3 rekord, at maaari pang makakuha ng 6 na puntos sakaling makakuha ng straight o fourth set na panalo laban sa Tunisia, upang makumpleto ang top 4 sa Pool B sa susunod na round. May pagkakataon pa ang Alas Pilipinas na makuha ang second spot sakaling talunin sa kumbinsidong panalo ang Venezuela.
Maging madaig man ito sa limang set ay magbibigay pa rin ito ng 1 puntos at magtitiyak ng isang puwesto sa Round of 16 para sa Alas, na suportado ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at Asics.
Hawak naman ng Korea ang top spot ng Pool D sa 4-0, na sinesegundahan ng Italy sa 3-1, kasunod ang Chinese Taipei at Puerto Rico sa 2-2. Bumida para sa Alas Pilipinas ang 14-anyos na si Sharina Rhyza Lleses sa 18 points na sinundan ni Caera Celis sa 17 points habang umiskor rin si Xyz Rayco ng 12pts.
Matapos makuha ang unang set ay nahirapang makasabay ang Alas sa second set, habang napabayaan naman ang 10 puntos na bentahe sa third set at hinayaang makabirada ng 8 sunod na atake ang Peru, na pinagbidahan ni Nahir Cueva Coaguila sa 19 points at dalawang net kill na sinundan ni Fernanda De Los Angeles Pinto Tellez sa 16pts at Cielo Yamileth Quispe Venegas sa 10 marka.





Comments