Alas Casimero, bagong WBO Global Super-Bantam Champ
- BULGAR
- May 15, 2023
- 2 min read
Updated: May 19, 2023
ni Gerard Arce @Sports | May 15, 2023

Bumanat ng panibagong panalo si three-division World champion John Riel "Quadro Alas" Casimero upang tanghaling bagong World Boxing Organization (WBO) Global super-bantamweight champion matapos daigin si Filipus "Energy" Nghitumbwa ng Namibia sa bisa ng 12 round unanimous decision kagabi sa Okada Manila Grand Ballroom sa Paranaque City.
Nailusot ni Casimero (33-4, 22KOs) ang pambihirang panalo sa pamamagitan ng dalawang 114-112 at 116-110 na desisyon na nagbigay ng malaking panalo sa orthodox power-puncher kasunod ng six-round knockdown dulot ng kaliwang hook at ang pagbawas sa puntos kay Nghitumbwa sa 12 round dahil sa pagsuntok sa likod ng ulo ni Casimero.
Sinubukang maghanap ng maagang knockout victory ng 34-anyos na tubong Ormoc City, Leyte sa simula ng laban, subalit patuloy sa pagsagot ng mga kontra atake ng Namibian boxer at pilit na naklikipagsabayan sa pakikipagpalitan ng suntok.
"Hindi ko siya mapabagsak talaga kase matibay talaga. Hinahanap ko yung timing ko kase mahirap siyang patamaan talaga, kailangan hanapan mo siya ng ibang anggulo kase inaabangan ka rin talaga niya, kaya hindi ko masabing mapapabagsak talaga agad siya na kailangan laruin muna siya," pahayag ni Casimero sa ginanap na post-fight press conference. "Sinubukan kong huwag layuan siya para mahanap yung suntok ko kaso kailangan kong ilagan din kase malakas talaga, diskarte talaga."
Nagpatuloy sa pagiging agresibo ang 27-anyos na 5-foot-5 boxer na ginagamit ang kanyang reach advantage at counter-punching na istilo na naging malaking problema ni Casimero upang mahirapang maipasok ang kanyang mga atake.
Simula pa lamang ng laro ay pinuntirya na ni Casimero ang bodega ni Nghitumbwa, subalit nanatiling matatag ang pagkakatayo nito at patuloy na tinatanggap ang mga power-punches ng dating WBO bantamweight titlist. Dahil sa nahihirapang maipasok ni Casimero ang kanyang mga suntok ay naiiwang bukas ang depensa nito para kuning bentahe ng Namibian boxer para sa counter-punching.








Comments