Alalahanin ang kasaysayan, ingatan ang kalayaan
- BULGAR
- Jun 12, 2023
- 1 min read
@Editorial | June 12, 2023
Ipinagdiriwang ngayon ang ika-125 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan”.
Ngunit ang tanong, talaga bang malaya na tayo?
Maaaring ang sagot ay “oo” dahil hindi na tayo nasa ilalim ng sinumang makapangyarihang dayuhan. Malaya na tayong gumawa ng ating sariling mga batas at magpasya nang naaayon sa kapakanan ng bawat mamamayan.
Sa panahon ngayon, napakaraming paraan ang isang makapangyarihang bansa para sakupin o maghangad ng posisyon kung saan ay magagawa nilang diktahan o kontrolin ang mahihina.
Oo, nar’yan ang kalayaan ngunit kung hindi tayo mag-iingat ay maaaring mawala ito.
Kaugnay nito, huwag nating kalimutan ang kahalagahan ng kasaysayan. Bago natin makamit ang kalayaan na ating tinatamasa, may mga bayani na nag-alay ng kanilang talento, talino, at higit sa lahat ay nagbuwis ng buhay.
Nasa atin na ang kalayaan, tayo naman ang gumawa ng paraan para ito’y manatili, alang-alang sa kinabukasan ng ating mga anak.



Comments