Al Riyadi ng Lebanon champ, Strong Group Silver sa Dubai
- BULGAR
- Jan 30, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | January 30, 2024

Naubos ang lakas ng Strong Group Athletics ng Pilipinas kung kailan pinaka-kailangan ito. Pumukol ng three-points si sentro Ismail Ahmad sabay ng huling busina at matagumpay na nanatili sa Al Riyadi ng Lebanon ang kampeonato, 77-74, ng 33rd Dubai International Basketball Championship Lunes ng madaling araw, oras sa Pilipinas, sa Al Nasr Stadium.
Pumasok ang dalawang koponan na parehong walang talo sa 7 laro. Nagtayo ng ilang 19-puntos na bentahe ang Al Riyadi sa third quarter – ang huli ay 57-38 – subalit hindi basta sumuko ang SGA at humabol.
Tuluyang naagaw ng SGA ang lamang matapos itala ang unang 8 puntos ng fourth quarter tampok ang magkasunod na tres nina Jordan Heading at Andre Roberson, 65-61. Nagising ang Al Riyadi at naging gitgitan ang laro at itinabla ito ng isa pang tres ni Heading papasok sa huling minuto, 74-74.
May pagkakataon ang SGA na ipanalo ang kampeonato subalit nagmintis ang tres ni Roberson na may 11 segundong nalalabi at itinakbo ng Al Riyadi ang bola. Naipit sa ilalim si gwardiya Wael Arakji at ipinasa niya ang bola sa walang-bantay na si Ahmad para sa nagpapanalong buslo.
Namuno sa Al Riyadi si dating NLEX import Manny Harris na may 23 puntos. Sumunod sina Arakji na may 16 at ang 47-anyos at 6’9” na bayaning si Ahmad na may 10 bilang reserba.
Nasayang ang trinabaho ni Roberson na 24 puntos at 13 rebound at Dwight Howard na may 18 puntos at 12 rebound subalit malaking dagok ang hindi pagpuntos ni Kevin Quiambao na gumagawa ng 18.0 sa bawat unang pitong laro. Nag-ambag ng 17 si Heading habang 12 kay McKenzie Moore na may 12 bago siya napilay na may 5 minuto pa at lamang ang SGA, 66-64. Samantala, napunta ang Third Place sa Al Ahly Tripoli ng Libya matapos talunin ang Beirut ng Lebanon, 94-73.








Comments