Aktor, nagbura ng mga posts sa IG… JAMES AT ISSA, PINAGDUDUDAHANG MAY LQ
- BULGAR

- 57 minutes ago
- 3 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | August 28, 2026

Photo: YT Karen Davila
Nagtataka ngayon ang mga fans ni James Reid matapos niyang biglaang i-wipe out ang mga dating posts sa kanyang Instagram (IG) account.
Tanong nila, social media reset lang ba ito, career move, o may inihahandang bagong proyekto ang singer-actor?
Wala pa ring ibinibigay na malinaw na dahilan si James tungkol sa pagbura ng kanyang mga posts. Dahil dito, hindi naiwasang iugnay ng ilang fans ang kanyang ginawa sa kanyang personal na buhay, partikular sa relasyon nila ni Issa Pressman.
May mga nagtatanong kung may problema ba sa pagitan ng dalawa, ngunit wala namang ebidensiyang nagpapatunay na nagkahiwalay sila o may pinagdaraanan ang kanilang relasyon.
Sa ngayon, nananatiling haka-haka lamang ang anumang pag-uugnay sa IG reset ni James at sa kanilang relasyon.
Lalo pang napansin ang kanyang social media move dahil mayroon na siyang humigit-kumulang 6.9 million followers sa platform.
Samantala, kasalukuyang napapanood si James sa Someone, Someday (SS) kasama si Kathryn Bernardo.
Basta tama ang bayad ng ex…
MIKEE, GAME GAWAN NG BAHAY SI PAUL
Prangkang sinagot ni Mikee Quintos ang tanong kung posible ba niyang idisenyo ang magiging bahay ng kanyang dating kasintahang si Paul Salas.
Sa panayam sa kanya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), tinanong ni Boy Abunda ang aktres kung tatanggapin niya ang isang proyekto kung sakaling si Paul ang kumuha sa kanya bilang architect.
“Bakit naman hindi, if the price is right? O, sige,” sagot ni Mikee.
Muling nilinaw ni Boy ang kanyang sagot, “So, kung tama ang presyo, you will design the house of Paul Salas?”
Tumango at pumayag muli si Mikee.
Nang tanungin kung may celebrity siyang gustong gawan ng bahay, agad niyang binanggit ang miyembro ng K-Pop boy group na BTS na si Jungkook.
“Totoo ‘yan. Pero kung may celebrity na puwede kong idisenyo ng bahay, kay Jungkook. S’yempre, lalagyan ko ng kuwarto ko,” biro ni Mikee.
Nakuha ni Mikee ang kanyang Bachelor of Science in Architecture degree mula sa University of Santo Tomas (UST) noong 2025.
Kasalukuyan din niyang tinatapos ang mga kinakailangan upang makapag-take ng architecture licensure examination.
Ayon kay Mikee, kailangan niyang makumpleto ang halos 4,000 oras ng apprenticeship, na inaasahan niyang matapos sa loob ng tatlong taon.
Sa kabila ng kanyang pagsusumikap na maging ganap na architect, patuloy pa rin si Mikee sa kanyang showbiz career bilang aktres at mang-aawit.
Nakilala siya nang gumanap bilang si Lira sa television series na Sang’gre.
Kesa nu’ng nasa 20s pa lang…
NADINE, MAS KILALA NA RAW ANG SARILI NGAYON
SEY ni Nadine Lustre, mas gusto niya ang edad niya ngayong 30 na siya kesa noong nasa 20s pa lang.
Lubos daw niyang ine-enjoy ang kanyang edad ngayon dahil mas naiintindihan na niya ang kanyang sarili.
“Maganda ang edad ko noong 20s pero mas gusto ko ang edad ko noong 30s. Mas gusto ko talaga dahil ngayon, 30s ko na, kasi parang mas kalmado na ‘ko. Mas kilala ko na ang sarili ko. Alam ko na ang gusto ko at ang ayaw ko,” aniya sa panayam sa kanya ni Bianca Gonzalez sa Paano Ba ‘To?! (PBT?!) podcast.
Dagdag pa ng aktres, marami rin siyang natutunan habang tumatanda, kabilang ang pagbibigay ng mas maraming oras para sa sarili at pagkilala sa kanyang personal na limitasyon.
“Mas may time na ako for myself. I have the courage to say no. Alam ko na ang limits ng body ko physically. Also, financially, alam ko na rin ang limits ko. Before kasi ‘Sige, gastos lang, ganyan, labas tayo, go somewhere. Travel,’” pahayag ni Nadine.
Ayon kay Nadine, mas naging mindful at appreciative na rin siya sa mga taong bahagi ng kanyang buhay.
“Now I am more mindful of things. Parang mas wiser, I would say, with a lot of different things. Tapos, I am more appreciative of people now,” pagbabahagi niya.
Inamin din ng aktres na dati ay mas nakatuon siya sa mga taong madalas niyang nakakasama, lalo na kapag nagiging abala ang kanyang buhay.
Ngayon, sinabi ni Nadine na mas nagsisikap na siyang mag-reach out sa kanyang mga kaibigan kahit matagal na silang hindi nagkakausap.
“Now, even if I haven’t talked to a friend for a long time, like I would randomly text, ‘Uy, hope you are doing good. I thought of you today.’ May mga ganu’n ako,” pahayag niya.





Comments