top of page

Aktor, isinama raw sa club noon… “HINDI NAMAN SANTO SI RICKY, EH” — REZ

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 7
  • 3 min read

ni Julie Bonifacio @Winner | May. 7, 2025



Photo:Rez Cortes - IG


Dagsa ang mga artistang dumating sa second to the last night ng burol ng yumaong aktor-direktor na si Ricky Davao sa The Heritage Park.


Mula sa pamilya ni Ricky, nandoon ang kanyang misis na si Jackie Lou Blanco at mga anak nila na sina Arabela at Rikki Mae. At nandoon din ang kapatid ni Ricky na si Mai-Mai Davao na nakausap namin that night.


Panay ang iyak ni Jackie Lou sa wake. Pansin na pansin ‘yan ng younger brother ni Jackie Lou na si Ramon Christopher na nandoon din kasama ang mga anak nila ni Lotlot de Leon.


Mukhang mas emosyonal si Jackie sa pagpanaw ni Ricky kaysa sa kanyang ina na si Pilita Corrales. Hindi siguro talaga inasahan ng aktres na mawawala agad si Ricky. 

May tsika nga na kaya raw ‘di nila ipina-annul ang kanilang kasal ay umaasa si Jackie na babalikan pa rin siya ni Ricky.


Present din almost all ang mga kaibigan ni Ricky sa showbiz. Ini-reveal ni Irma Adlawan na niligawan pala siya noon ni Ricky nu’ng nasa teatro pa lang ang aktres. At si Ricky din ang tumulong sa kanya na makagawa ng pelikula.


Samantala, revealing din ang mga sinabi ng president and CEO ng Mowelfund ngayon na si Rez Cortez nu’ng ikuwento niya kung saan dinala niya si Ricky sa club na may mga babaeng paupahan.


Esplika ni Rez, “Hindi kasi, masyado nang seryoso. Para meron namang comedy kaya ko ikinuwento ‘yun. Hindi naman santo si Ricky, eh. May pagka-naughty din.”


Katabi ni Rez ang isa pa sa mga close friends ni Ricky na si Michael De Mesa nu’ng makausap namin ang Mowelfund executive.


“Discreet lang (si Ricky),” sabay tawa ni Michael. 


“Pero si Ricky is a very light-hearted person. S’ya lang ‘yung isa sa mga nakilala ko na hindi pikon. Kasi grabe rin ‘yung biruan namin sa kanya, eh. Walang negativity sa katawan. Kaya admirable ‘yung personality n’ya, ‘yung character n’ya.”


Pagsesegunda pa ni Rez, “Walang masamang tinapay. Wala kang marinig na siniraan na ibang tao.”


Since kausap namin si Rez, tinanong namin siya kung may gagawin ba ang Mowelfund para maiwasan ang sunud-sunod na pagyao ng mga taga-showbiz.


“Actually, hindi lang Mowelfund. Pati FDCP, Film Academy, magkakaroon ng religious event para ipagdasal ang mga namatay at sana maputol na 'yung pattern,” sagot ni Rez.

Wala pa raw saktong petsa kung kailan. Pagmimitingan pa lang kung kailan at kung paano ang gagawing sistema.


“Yes, nakakaalarma rin. Ilang tao na. Sunud-sunod, oh. Hindi lang malalaking artista, may maliit din. Si ano, si Romy Romulo. ‘Yung character actor, ‘yung doon sa Batang Quiapo. ‘Yung nakakulong, ‘yung parang pinaka-mayor nila roon, si Romy ‘yun. ‘Yung maraming tattoo,” kuwento ni Rez.


More than 50 years nang kakilala at kaibigan ni Rez si Ricky, gayundin si Michael.

“Ako, 50 years na kaming magkaibigan ni Ricky. Fourteen pa lang kami, magkakasama na kami. Hindi pa kami masyadong… ako pa lang ang mag-aartista noon. S’ya, nag-uumpisa pa lang. Tapos, sumayaw-sayaw din s’ya.


“Nagkakilala kami dahil sa parents namin (na mga artista), sina Tito Charlie (Davao). Tapos, mommy ko, madalas silang magkasama sa pelikula. So, naging barkada kami. Ako, si Mark (Gil), si Ricky at si Bing (Davao), kapatid ni Ricky. Kaming apat (ang magkakasama) nu’ng high school kami.


“So, medyo mahaba-haba rin ‘yung pinagsamahan namin ni Ricky. Ganu’n katagal kaya sobrang sakit. Masakit itong pagkawala ni Ricky. Isa sa mga masakit na pamamaalam,” lahad ni Michael.


Neighbor naman ni Rez si Ricky sa PhilAm.


“Bata pa si Ricky. Hindi pa s’ya artista. Ako wala pang asawa that time. Ini-introduce ko s’ya sa mga workshops, sa mga ganito hanggang sa solo na siya, ganu’n. At, talagang ano s’ya sa mga play kasi nga seryosong artista, eh,” sabi ni Rez.


Dagdag pa ni Rez, “Huli ko s’yang nakausap sa video call. So, pinatawa ko nang pinatawa. Sabi ko, ‘Davao! Ngayon wala na kaming pipigilan na humawak ng mic.’ Dahil hindi na s’ya makapagsalita. Senyas-senyas na lang.


Nasa hospital siya that time. Paglabas niya ng ICU, nito lang.”


Ayon pa kay Rez, sa bahay na niya nakausap si Ricky via video call.


“Iniuwi na s’ya. Pero inatake s’ya doon sa bahay. Pagdating sa hospital, ‘yun, diretso na. Hindi na nakalabas. Kasi, ‘yun nga, nagkausap pa kami, video call, lalabas na s’ya parang after two days,” pag-aalala ni Rez.


Kuwento naman ni Michael, “After Holy Week s’ya nakauwi, 'yun 'yung time na nag-usap tayo (Rez) ‘di ba? Tinawagan kita nu’ng malaman ko 'yun 'yung una, (tapos) nakausap ko ulit.

“Cancer talaga ang ikinamatay ni Ricky. Kumbaga, namaga ‘yung lymph node n’ya, eh. So, dinala s’ya sa ospital. Pagkadala sa ospital, tuluy-tuloy na ‘yun. Dire-diretso na s’ya.”


Maraming memories daw ang iniwan ni Ricky kina Rez at Michael, kaya ganoon na lang ang lungkot nila sa pagpanaw ng kanilang kaibigan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page