ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 9, 2024

Mukhang pasado na si Paulo Avelino sa pamilya ni Kim Chiu.
Kumalat na dumalaw na ang aktor sa bahay ng Chinita Princess at naipakilala na ni Kim sa kanyang magulang at mga kapatid.
Maayos nilang tinanggap si Paulo at walang kumontra sa kanyang panunuyo kay Kim. Hindi na rin sila magtataka kung mauuwi sa magandang relasyon ang lahat.
Pero, may ilang grupo ng mga fans ni Kim Chiu ang hindi pa rin kumbinsido sa ipinapakitang kabaitan ni Paulo Avelino sa kanya. Duda sila kung seryoso ba ang aktor sa panliligaw kay Kim. Hindi kaya sinasamantala lang niya ang pagiging brokenhearted ng Chinita Princess?
Kabe-break lang din ni Paulo kay Janine Gutierrez. Bakit kailangang manligaw siya agad kay Kim, gayung hindi pa nakaka-move on ang aktres sa paghihiwalay nila ni Xian Lim?
Sana man lang ay pinalipas muna ni Paulo ang ilang buwan hanggang sa emotionally ready na uli si Kim upang magmahal.
Mas maganda kung manatili muna silang magkaibigan ni Kim upang hindi pagdudahan ang kanyang tunay na intensiyon.
Dating dinudumog ng mga vloggers… DIWATA, LAOS NA AGAD

Laos na raw ang social media sensation na si Deo Balbuena o mas kilalang ‘Diwata’, ang binansagang Pares Overload Queen.
Hindi na siya gaanong dinudumog at pinag-uusapan ngayon. Konti na rin ang mga vloggers na nagko-cover sa kanya.
Samantala, kung kailan pa siya nagbukas ng malaking branch ng Diwata Pares Overload sa Quezon City ay saka naman humina ang kanyang negosyo.
Sandaling panahon lang tumagal ang kanyang kasikatan, so, paano na ang balak na isapelikula ang kanyang buhay? Matutuloy pa ba ito?
Well, ang latest tsika naman na nasagap namin ay ‘yung lumang kaldero na unang ginamit niyang lutuan ng Pares Overload ay ibinenta niya sa Pinoy Pawnstar na si Boss Toyo, pero sa halagang P3 thousand niya lang ito naibenta na mapapanood sa YouTube (YT) channel ni Boss Toyo.
Phenomenal ang naging pagsikat ni Diwata, kaya malakas ang naging impact niya sa publiko.
Sa guesting ni Rufa Mae Quinto sa programang Fast Talk with Boy Abunda, nabanggit niyang naging valedictorian siya nu’ng magtapos ng high school sa St. Vincent School.
Ngayon lang naungkat ang pagiging valedictorian ni Rufa Mae, kaya marami ang nagtaka at hindi makapaniwala na may taglay pala siyang talino.
Nasanay na kasi ang lahat sa kanyang pagiging jologs at komedyana. Hindi rin naman niya ipinagsasabi at ipinagyayabang ang kanyang mga achievements nu’ng nag-aaral pa.
Well, hinayaan na lang ni Rufa Mae na manatili ang image niyang jologs at kikay dahil dito naman siya nakilala at sumikat sa showbiz, nagkaroon ng maraming projects at datung.
Ang mahalaga, masaya siyang naninirahan ngayon sa USA pagkatapos magpakasal kay Trevor Magallanes at magkaroon ng isang anak na babae.
Maraming taga-showbiz ang nakikisimpatya sa mag-ama na sina Sandro at Niño Muhlach sa kanilang pinagdaraanan ngayon.
Lalo na kay Niño na naging emotional at tumaas ang BP (blood pressure) nang dumalo sa Senate hearing at isinasagawang imbestigasyon sa kasong kanilang isinampa laban sa dalawang independent contractors ng GMA-7 sa pang-aabuso kay Sandro.
Sobrang damaged sila dahil ang lahat ng sakit at bigat ay nasa loob ni Niño bilang isang ama.
Naniniwala ang mag-ama na makakamit nila ang hustisya at mapaparusahan ang mga taong sangkot sa pang-aabuso.
Kailangan ngayon ni Sandro Muhlach ang moral support mula sa kanyang pamilya at mga kaibigan, pati na rin ang mga tao sa movie industry.
Nag-a-undergo siya ngayon ng counseling upang maka-recover sa masamang experience na kanyang pinagdaanan.
Kung buhay pa sana ang Movie Queen na si Amalia Fuentes at si Cheng Muhlach, tiyak na mag-iingay nang husto ang mga ito.
Comments