Aksidente, dagdag-bigat sa trapik, ingat, ‘wag pasaway

@Editorial | June 4, 2024

Ang grabeng trapik, mas pinabibigat pa kapag may nangyayaring aksidente.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mahigit 100 vehicular accidents kada araw ang naitatala sa Metro Manila.
Bagay na lubos na nakakaabala sa mga kalsada dahil sa dulot nitong traffic congestion lalo na kung hindi agad naiaalis ang mga sasakyang sangkot sa aksidente.
Dagdag pa rito, kinakailangan pang hintayin ang pagdating ng mga pulis sa pinangyarihan ng aksidente para magsagawa ng imbestigasyon.
Kung kaya’t nakipagpulong na umano ang MMDA sa isang Deputy Insurance Commissioner hinggil sa traffic management at gayundin sa pagproseso ng motor insurance claims.
Kaya naman bilang tugon sa nasabing isyu, mayroon na umano silang inilabas na Insurance Commission hinggil sa traffic incident investigation report bilang alternatibo sa pagsusumite ng police report.
Dito ay nakapaloob ang mahahalagang impormasyon patungkol sa insidente.
Ilan sa mga ito ay ang eksaktong lokasyon ng aksidente, detalye o impormasyon ng mga indibidwal na sangkot, mga witness, narrative description ng nasabing aksidente, mga litrato at iba pa.
Habang ang mga personnel ng MMDA at local traffic bureau ay otorisado na aniyang magpasa ng naturang traffic incident investigation report.
Sa pamamagitan nito, mas mabilis na makakabalik sa normal ang daloy ng trapiko.
Pero siyempre, mas mainam sana kung magdodoble ingat para makaiwas sa aksidente.
Kung walang disiplina at walang alam sa mga batas-trapiko, plis lang huwag nang magmaneho para ‘di makaperhuwisyo.



Comments