Akala ng higit 31-M bumoto kina P-BBM at Sara, “unity” ang solusyon sa mga problema, hindi pala
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 29, 2022
HIRIT NI P-BBM, WALA TAYONG MAGAGAWA SA TAAS-PRESYO NG KRUDO—Noong June 20, 2022, sinabi ni Pres. elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, na malaking problema ang dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at dahil buong mundo ang apektado, wala na tayong magagawa.
Siguro, kamot-ulo ngayon ang higit 31 milyong Pinoy na bumoto kina P-BBM at Vice-Pres. elect Sara Duterte-Carpio kasi akala nila’y unity ang solusyon sa lahat ng problema, ‘yun pala ay hindi dahil mismong si P-BBM ang nagsabi na wala tayong magagawa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.
◘◘◘
P-DUTERTE, BINAON NA SA UTANG ANG ‘PINAS, PINASALAMATAN PA—Kamakalawa ay nagdaos ng concert ang mga DDS bilang pasasalamat sa mga nagawa sa bansa ni P-Duterte na ang termino sa pagka-pangulo ay magtatapos na bukas, June 30, 2022.
Aba, teka, ‘anyare sa mga taong nag-organize at dumalo sa “Pasasalamat concert” kay P-Duterte? Mantakin n’yo, nabaon sa utang ang bansa dahil kay P-Digong, tapos pasasalamatan pa nila? Buwisit!
◘◘◘
TRANSPARENT GOV’T. DAW ANG DUTERTE ADMINISTRATION, PERO ITINAGO SA PUBLIKO ANG SALN NG PANGULO—Ayon kay outgoing Presidential Communication Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar, isa sa maipagmamalaki ng Duterte administration ay naging transparent government ito, na walang itinago sa publiko sa loob ng anim na taong panunungkulan ni P-Duterte bilang pangulo ng bansa.
Hay naku, paalis na lang sa puwesto ang mga tauhan ni P-Duterte, eh, inuunggoy pa ang publiko.
Paanong naging transparent government ang Duterte administration, eh, pababa na sa puwesto si P-Duterte bukas, pero ang laman ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ay hindi naman niya isinapubliko, pwe!
◘◘◘
FEELING MAGALING SI TUGADE GAYUNG PULOS PAHIRAP ANG GINAWA NIYA SA MGA TSUPER AT OPERATORS NG PUBLIC TRANSPORT—Nanawagan si outgoing DOTr Sec. Art Tugade kay incoming DOTr Sec. Jaime Bautista, na kung kailangan nito ang kanyang tulong ay handa siyang tumulong sa pagpapatakbo ng DOTr.
May kahambugan talaga si Tugade, kung makapagsalita feeling niya’y napakagaling niya gayung ang katotohanan ay hate siya ng mga tsuper at operator ng public transport dahil pulos pahirap ang ginawa nito sa kanila, period!





Comments