Airport, balik-normal na ang operasyon — DOTr
ni Lolet Abania | January 5, 2023

Balik na sa normal na operasyon ang mga paliparan matapos ang mga delays at kanselasyon ng mga flights dahil sa nangyaring glitch sa air navigation facility noong araw mismo ng Bagong Taon, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
“Sa ngayon, normal operations na tayo sa ating mga paliparan and wala naman tayong nakikitang problema sa ngayon,” pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa isang interview ngayong Huwebes.
Nasa tinatayang 282 flights ang nakansela, na-divert, o na-delay noong Linggo, New Year’s Day dahil sa insidente, habang apektado ang ilang 56,000 pasahero na nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Iniuugnay naman ng mga DOTr officials ang insidente sa “outdated” system.
Gayunman, ayon kay Bautista, hindi nila iniaalis ang pagkakaroon ng sabotahe umano bilang isa sa mga posibilidad sa likod ng nangyari.
“Isa ‘yan sa puwede nating i-consider kasi dapat lahat isama natin for consideration,” ani Bautista.
Kaugnay nito, tinatayang nasa 5 Senate resolution na ang inihain na layong siyasatin ang naturang insidente.
Ayon kay Senator Grace Poe, na siyang chairwoman ng Senate public services committee, balak niyang magpatawag ng hearing sa Enero 12, 2023 hinggil dito.
Sinabi naman ng Malacañang na isang malalimang imbestigasyon na ang isinasagawa ng mga concerned agencies tungkol sa insidente.
Giit ni Bautista, ang DOTr ay handa namang harapin ang Senate investigation.
“Handa kami. Pini-prepare na namin ‘yung report at magsa-submit kami ng mga documents na ire-require nila sa amin,” saad pa ni Bautista.





Comments