AIKO AT ONEMIG, IDINIIN NA PAREHO NA SILANG ANNULLED

ni Mercy Lejarde @Talkies | September 26, 2026

Photo: IG _aikomelendez
Nilinaw ng magdyowang sina Aiko Melendez at Onemig Bondoc na pareho nang annulled ang kanilang naunang kasal nang tanungin ito sa kanila ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
Sabi ni Aiko, “I’m glad you asked that question. May we just clarify that we are both annulled?”
Saad naman ni Onemig, “Annulled na rin ako. (Year) 2021 na-annulled ‘yung sa akin.”
Kuwento pa ni Aiko, “Kasi online, may nagsasabi na ‘di raw s’ya annulled at ‘di raw ako annulled. Annulled na po kami.”
Ani Boy, “At least ngayon, klaro na ‘yun.”
Saad ni Aiko, “Malaki po ang ibinayad namin.”
Nang tanungin ni Boy kung talagang magastos ang proseso ng annulment, sagot ni Aiko, “Yes, it is.”
Well, at least malinaw na ngayon at kung sakaling mag-decide sina Aiko at Onemig na magpakasal na, wala nang sabit. ‘Di ba naman, madlang pipol?
“HANGGANG kailan tayo magbebenta ng boto?” ito ang naging tanong ng komedyanang si Pokwang sa panayam sa kanya ng broadcast journalist na si Kara David sa i-Listen.
Sa panayam, tinanong ni Kara si Pokwang kung mahirap nga bang mahalin ang Pilipinas.
“Madalas nating mabasa sa social media na ang hirap mahalin ng Pilipinas,” ani Kara.
Sagot naman ni Pokwang, “Totoo naman. Oo. Hanggang kailan tayo ganito? Hanggang kailan tayo magbebenta ng boto para lang makatawid tayo sa isang linggo pero six years tayong pahihirapan? Hanggang kailan tayo ganito? Kailan tayo didilat? ‘Di ba?”
Dagdag pa niya, “Tingnan muna natin, ano ba ‘yung maiiwan natin sa mga apo natin? Oo, ano ba ‘yung iiwanan natin sa kanila?”
Hmmm… Big tumpak ka r’yan, Pokwang.
MULING nagwagi ng gold medal para sa Pilipinas ang two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo sa 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Nagbahagi si Carlos sa kanyang Instagram (IG) ng mga video clip matapos niyang makamit ang gintong medalya. Nagtala siya ng 14.666 na puntos sa Men’s Floor Exercise finals, dahilan para masungkit niya ang gold medal.
Ani Carlos, “First GOLD for the Philippines here in Nagoya, and my first GOLD at any Asian Games.
“Ikaw po ‘to lahat, LORD GOD! Gabayan at protektahan mo po uli ako bukas at ang mga atletang Pilipino. Maging safe lang po kaming lahat ng mga makakalaro ko at magkaroon po ulit kami ng magandang laban. Thank you, LORD!”
Samantala, sa hiwalay na post naman ng girlfriend ni Carlos na si Chloe San Jose, nagbahagi siya ng video clip kung saan makikitang sumasayaw siya kasama si Carlos at ang kapatid nitong si Karl Eldrew Yulo sa viral trend na Puede Nang Mangarap na kanta ni Lyca Gairanod.
Ani Chloe, “Dreams really do come true, and it’s through HIM.”
Anyway, congratulations, Carlos. Bongga ka r’yan!
Unang Pinay na bibigyan ng award…
VILMA, HALL OF FAME AWARDEE SA MOVIE ACTRESS OF THE YEAR NG PMPC
HANDA nang parangalan ng Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards, Inc. ang mga natatanging pelikulang ipinalabas noong isang taon, gayundin ang mahuhusay na mga artista at mga tauhan sa likod ng produksiyon sa gaganaping 42nd Star Awards for Movies sa Oktubre 25, 2026 sa Winford Resort and Casino Manila.
Pawang award-winning na mga aktor ang magtutunggali para sa Movie Actor of the Year na kinabibilangan nina JM De Guzman (Lasting Moments); Vice Ganda (Call Me Mother); Joshua Garcia (Meet, Greet & Bye); Baron Geisler (The Delivery Rider); Piolo Pascual (Manila’s Finest); Jericho Rosales (Quezon); at JC Santos (Journeyman).
Espesyal na mga parangal ang igagawad sa tatlong personalidad na maituturing na institusyon sa showbiz dahil sa dami ng kanilang mga kontribusyon sa movie industry. Ang Megastar na si Sharon Cuneta at ang veteran actor na si Rez Cortez ang tatanggap ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award.
Ibibigay naman sa dating producer na si Alex Muhlach ang Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award.
Bibigyang-pugay bilang Hall of Fame awardees sina Star for All Seasons Vilma Santos-Recto, sound engineer Albert Michael Idioma, at veteran screenwriter and National Artist Ricky Lee dahil sa sampung beses o higit pang pagkapanalo nila sa kategoryang Movie Actress of the Year, Movie Sound Engineer of the Year, at Movie Screenwriter of the Year, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Si Vilma ang kauna-unahang Filipina actress na pagkakalooban ng Hall of Fame sa Movie Actress of the Year category.
Ang 42nd Star Awards for Movies ay inoorganisa ng mga opisyal at miyembro ng PMPC Star Awards Inc. sa pangunguna ng pangulo nito na si Fernan de Guzman, kasama ang chairman ng Star Awards for Movies ngayong taon na si Melba Llanera.
Katuwang ng PMPC sa Gabi ng Parangal bilang producer ang The Revival King na si Jojo Mendrez at ang EV Production and Events. Si Vivian Poblete Blancaflor ang tatayong direktor ng awards night.
‘Yun lang and I thank you.





Comments