Ahensiyang tutugon sa problema ng mga OFWs, oks!
ni Ka Ambo - @Bistado | January 15, 2022
NILAGDAAN ni P-Duterte ang batas na lumilikha sa Department of Migrant Workers (DMW).
Klap-klap-klap!
◘◘◘
SA totoo lang, ang paglikha sa DMW ay isa sa mga plataporma ng tandem nina P-Digong at Speaker Alan Peter Cayetano sa huling presidential election.
Si Cayetano mismo ang naghain ng panukalang batas sa Senado noong May 4, 2017 bago hiranging kalihim ng Department of Foreign Affairs.
◘◘◘
LAYUNIN nitong magkaroon ng ahensiya ng gobyerno na tututok sa mga problema, hinaing at iba pang concerns ng mga OFW.
Sa ngayon ay napakaraming ahensiya ng gobyerno ang nagsasalimbayan sa pagbibigay-atensiyon sa mga OFW.
◘◘◘
BAGAMAN hindi naisabatas, muling naghain si Cayetano noong 2019 ng House Bill No. 5832 na siya namang pumasa sa Kamara noong Marso 11, 2020 sa kanyang pamumuno bilang House Speaker.
Layon ng batas na lumikha ng Department of Overseas Filipino Workers and Foreign Employment.
Isa itong sentralisadong ahensiya na tutugon sa pangangailangan ng mga OFW na ngayon ay kilala na bilang Department of Migrant Workers.
◘◘◘
NOONG bisperas ng Pasko, inaprubahan ng Senado ang panukalang batas sa pangunguna ni Senator Joel Villanueva.
Agad din itong inaprubahan ng Kamara noong araw mismo ng Pasko para maihabol sa pagtatapos ng 2021.
◘◘◘
TODO ang pasasalamat ng dating speaker sa paglagda ni P-Digong para maging ganap ng batas ang DMW.
Sinabi nga ni Cayetano, ito ay naghahatid ng panibagong pag-asa para sa mga OFW na nagsakripisyo upang matustusan ang mga pamilya at panatilihin ang ekonomiya ng bansa.
◘◘◘
ANG DMW ay magbibigay-daan para sa mas angkop na budget sa mga serbisyo’t programa para sa mga OFWs .
Ito’y oportunidad para sa mabisang pagtugon ng nasyunal na pamahalaan sa pangangailangan ng mga OFWs sa oras ng krisis.
◘◘◘
ANG DMW ay magkakaroon ng sariling kalihim na siyang tutugon sa mga programa sa ilalim ng bagong ahensiya.
Pagsasamahin na sa sentralisadong DMW ang mga tungkulin ng Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) National Reintegration Center, Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs, Department of Social Welfare and Development (DSWD) International Social Services Office, at ng Commission on Filipino Overseas ng Office of the President tungkol sa OFWs.
◘◘◘
MAGANDANG buwenamano ito ng Bagong Taon para sa mga OFW.
Nabigyan ng importansiya ang kanilang matagal ng hinahangad na magkaroon ng ahensiya para sa kanila!
◘◘◘
PARA sa mga OFWs at sa inyong pamilya, congratulations.
Maraming salamat din sa mga government officials na gumagawa ng paraan para sa kapakanan ng taumbayan.





Comments