Agawan sa liderato ang KBA Luid at CamSur sa NBL
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 4, 2023

Paglalabanan ng KBA Luid Kapampangan at bisita Cam Sur Express ang liderato ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup ngayong Biyernes sa Colegio de Sebastian sa City of San Fernando simula 7:00 ng gabi. Sisikapin ding buhayin ng Muntinlupa at DF Bulacan Stars ang naghihingalong kampanya sa kanilang tapatan sa 4 p.m.
Kasalukuyang taglay ng Express ang 4-2 panalo-talo, kalahating laro lang ang lamang sa pumapangalawang Luid na 3-2 sa Grupo A. Parehong galing sa malaking panalo ang dalawang koponan noong nakaraang linggo at ang magwawagi ay magkakaroon ng bentahe sa isa sa dalawang upuan sa semifinals ng Grupo A.
Tinalo ng Kapampangan ang Muntinlupa noong Biyernes sa parehong palaruan, 109-102, sa likod ng 34 puntos ni Lhancer Khan na pinakamarami ngayong taon. Maliban kay Khan, kailangan niya ang tulong nina Marc Jhasper Manalang at Mico Rainster Santos.
Dinaig ng Express ang Muntinlupa noong Linggo sa Angelis Resort, 80-78, kung saan pumukol ng limang three-points si Best Player Joshua Irvin Ayo. Maraming ibang armas ang Cam Sur tulad nina Verman Magpantay, Fredson Hermonio at Jayson Orada na gumagawa ng 10 o higit na puntos bawat laro.
Sa unang laro, nais pareho ng Muntinlupa at Bulacan na umahon mula sa ilalim ng kanilang mga grupo. Ang Bulacan ay may kartadang 2-5 at nasa gitna ng dalawang magkasunod na talo habang wala pang maipakitang tagumpay ang Muntinlupa sa kanilang apat na laro.
Mahalaga na higitan ng mga Stars na sina Exeqiel Biteng, Joseph Celso at Warlo James Batac ang kanilang numero laban sa mga nangunguna sa Muntinlupa na sina John Mark Ondevilla, Crispin Barnedo at Tristan Kyle Villablanca. Maghaharap muli ang parehong koponan bago magwakas ang elimination round.





Comments