Agaw-pansin talaga… P1.4 M NA BAG, INIRAMPA NI MARIAN SA PREVIEW BALL

ni Rohn Romulo @Run Wild | September 12, 2026

Photo: Maarian Rivera sa Preview - IG
Pinag-usapan na naman ng mga netizens ang naging OOTD ni Marian Rivera sa naganap na Preview Ball kamakailan.
Bukod sa kanyang stunning dress, agaw-pansin na naman ang kanyang Chanel Mini Giraffe Flap Bag na mula sa Métiers d’Art 2026 collection. Tinatayang nagkakahalaga raw ito ng US$22,900 o humigit-kumulang ₱1.4 milyon. At malamang tataas pa ang halaga nito dahil sa pagiging rare art nito.
Mas mataas ang presyo ng giraffe flap bag dahil sa detailed artisan craftsmanship. Gawa ito sa lambskin na dark burgundy and gold-tone metal.
Tampok ang 3D polished metal head of giraffe, apat na metal feet, at chain-linked tassel na nagsisilbing tail.
Parang iilan lang sa mga celebrities dito sa ‘Pinas ang may pagmamay-ari nito, kaya talagang kapansin-pansin kapag inirarampa na ito sa showbiz events.
Sabi ng isang netizen, “Sinampal na naman tayo ng kahirapan.”
Of course, gandang-ganda pa rin ang marami kay Marian, na parang walang pagbabago at hindi tumatanda.
“Super ganda talaga, idol Marian.”
“Parang nasa early 20s lang."
“Para siyang AI sa sobrang ganda.”
“Wow ganda ni idol, pati bag.”
“Angat na angat ang ganda niya."
“Maganda talaga si Marian, at hindi tabain ang katawan.”
“Kala ko wax figure, sobrang ganda niya.”
“It’s not the bag, it’s her face so beautiful."
VICE, KATAPAT NOON, GUEST NA NGAYON SI ALDEN SA SHOW
Isa ngang malaking pasabog ang pagbabalik ng Gandang Gabi Vice (GGV) na matutunghayan na sa bago nitong tahanan, ang GMA Network.
Tiyak na pag-uusapan ang pilot episode nito dahil ang first special guest ng Asia’s Unkabogable Phenomenal Box-Office Superstar na si Vice Ganda ay walang iba kundi si Asia’s Multimedia Star Alden Richards.
Aminado naman ni Vice na matagal na niyang gustong makasama si Alden sa kanyang show at ma-interview nang harap-harapan.
Ini-reveal ng tinagurian ding Queen of All Networks na talagang na-starstruck at humanga siya kay Alden. Kuwento ni Vice, nangyari ito nang magkita sila sa isang event noong 2017. Kasikatan pa ito noon ng phenomenal love team nila ni Maine Mendoza na #AlDub.
Ang speaking of AlDub, muli nga itong napag-usapan sa recent episode ng Miss Q&A sa It’s Showtime, kung saan sumali ang former Eat… Bulaga! writer ng AlDub at kalyeserye.
Naikuwento niya nga kung paano nabuo ang love team, ang audition ni Maine hanggang sa nangyari na nga ang sobrang kasikatan ng dalawa, na ikinagulat ng buong bansa at ng iba’t ibang panig ng mundo. Bagay na ina-acknowledge naman ni Vice hanggang ngayon dahil nawindang talaga ang buhay nila nu’ng sumikat ang AlDub sa EB! na katapat ng IS.
Pagbabalik-tanaw niya, “Kapit-kapit na lang kami ng buong staff noon. Kahit anong brainstorming gawin namin, hindi namin matalo ang AlDub. Ang lakas talaga!
"Nag-prayer meeting na lang kami!”
Paniwala pa ni Vice sa kakaibang kasikatan noon ng AlDub… “Hindi mo siya mae-explain
kung paano siya nangyari, kasi it was a phenomenon! Parang nakatakda sina Alden at Maine na gimbalin ang buong Pilipinas, wala tayong magagawa roon,” pahayag pa ni Vice.
Kaya naman malaking tanong ngayon kung mapag-uusapan ba nila ito ni Alden sa GGV o dedma na lang?
Pero for sure, marami pang pasabog na tsika na aabangan ng madlang pipol sa magaganap na kuwentuhan nina Vice at Alden sa unang episode ng GGV na mapapanood na ngayong Linggo, September 13, alas-10 ng gabi sa Kapuso Network.





Comments