After ma-diagnose ng stage 4 cancer… ATE GAY, SUPER HAPPY NA WALA NANG BUKOL SA ILONG AT LEEG
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Alicia Abarnas (OJT) @Special Article | July 1, 2026

Photo: Ate Gay - Gil Aducal Morales FB
Ibinahagi ng komedyanteng si Gil Morales o mas kilala bilang “Ate Gay” sa kanyang Instagram post ang mabuting balita na gumagaling na siya at unti-unti nang nawawala ang bukol na natagpuan sa kanyang ilong at leeg na pinatunayan naman ng Magnetic Resonance Imaging (MRI) Scan.
Matatandaang na-diagnose si Ate Gay ng Stage 4 cancer noong Setyembre, 2025. Matapos tapusin ang kanyang chemotherapy sessions noong Nobyembre, kinumpirma ng komedyante na apat na serye na lamang ng immunotherapy ang kanyang bubunuin tuwing ika-21 araw.
Puno naman ng pasasalamat si Ate Gay sa Panginoon, at pinuri ang kanyang doktor sa angkin nitong kagandahan na si Dr. Jaeme Fernandez.
Dagdag pa nito ang pasasalamat sa mga taong nagmamahal at nagdarasal para maging mabuti ang kanyang kalagayan.
Aniya sa kanyang post: "Ang ganda ng Doktora ko, oh (Dr. Jaeme Fernandez) at magandang balita, wala na akong bukol sa ilong at leeg, base sa result ng MRI yeheyyyy. Thank you Lord Jesus at 4 na lang na immuno (every 21 days) ay tapos na… Salamat po sa dasal at sa mga anghel ko…"
SA edad na 63, pumanaw na ang batikang aktor na si Michael Sandico, beteranong aktor noong dekada ‘70s to ‘80s.
Ayon sa kanyang pamilya, mapayapang pumanaw ang aktor habang natutulog sa Seattle, USA noong Hunyo 22 matapos ang matagal na pagkakaroon ng diabetes.
Si Sandico ay tumatak sa mga klasikong pelikula tulad ng Minsa’y Isang Gamu-gamo (1976), High School Circa '65 (1979), Cain at Abel (1982), at Moral (1982) bago tuluyang iniwan ang kinang ng showbiz at mamuhay na malayo sa kamera.
Bumuhos naman ang pakikiramay mula sa kanyang mga naiwang pamilya, tagahanga, at kasamahan sa industriya.
Taos-pusong pakikiramay po.
HINDI man nakadalo sa makasaysayang reunion concert ng F4, gumawa naman ng sariling paraan ang aktres at vlogger na si Alex Gonzaga-Morada para hindi maiwan sa Meteor Garden fever!
Sa kanyang Instagram post, ipinakita ni Alex ang AI version ng kanyang asawa na si Lipa City Vice-Mayor Mikee Morada na ginawang kamukha ng karakter na si Dao Ming Si.
Inamin ng komedyana na labis ang inggit niya sa mga fans na nakasaksi sa F FOREVER 1st World Tour concert noong Sabado, Hunyo 27, sa Philippine Arena sa Bulacan, kung saan nag-perform sina Jerry Yan, Vic Chou, at Vanness Wu.
"Dahil inggit na inggit ako sa mga naka-attend ng concert, niloloko ko na lang sarili ko na I have my own Dao Ming Si from Lipa," biro pa ni Alex sa kanyang caption.





Comments