After 45 Yrs., FIBA World Cup nagbabalik sa ‘Pinas
- BULGAR
- Aug 25, 2023
- 4 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 25, 2023
Ang FIBA World Cup ay muling nagbabalik sa Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon makaraan ang 45 taon, kung saan huling nag-host ang ating bansa sa prestihiyosong tournament noong taong 1978, habang muli natin itong isasagawa kasama ang Japan at Indonesia mula ngayon hanggang Septyembre 10 ng taong kasalukuyan.
Isa tayo sa mga imbitado para dumalo sa opening-day match na ito ng Gilas Pilipinas laban sa Dominican Republic na kailangan nating magpakita ng buo nating suporta.
Ang FIBA ay isang International Basketball Federation at world governing body para sa basketball na itinatag noong 1932 na pinagsama-sama ang 212 National Basketball Federations mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sila rin ang nagbuo ng international competitions kabilang na ang FIBA Basketball World Cup, ang Olympic Basketball Tournament at 3X3 basketball maging ang pag-establish ng opisyal na basketball rules kabilang na ang regulasyon na nagpapatakbo ng relasyon sa pagitan ng mga miyembro ng basketball community.
Narito ang mga team na maglalaban-laban para sa FIBA World Cup:
(Group A)-Angola, Dominican Republic, Italy, Philippines; (Group B) China, Puerto Rico, Serbia, South Sudan; (Group C) Greece, Jordan, New Zealand, USA; (Group D) Egypt, Lithuania, Mexico, Montenegro; (Group E) Australia, Finland, Germany, Japan; (Group F) Cape Verde, Georgia, Slovenia, Venezuela; (Group G) Brazil, Cote d’Ivoire, Iran, Spain; (Group H) Canada, France, Latvia at Lebanon.
Dumating naman sa bansa ang mga superstar na bumubuo sa 2023 USA Men’s National Team na kinabibilangan nina Paolo Banchero (Orlando Magic), Mikal Bridges (Brooklyn Nets), Jalen Brunson (New York Knicks), Anthony Edwards (Minnesota Timberwolves), Tyrese Haliburton (Indiana Pacers), Josh Hart (Knicks), Brandon Ingram (New Orleans Pelicans), Jaren Jackson Jr. (Memphis Grizzlies), Cameron Johnson (Brooklyn Nets), Walker Kessler (Utah Jazz), Bobby Portis (Milwaukee Bucks) at Austin Reaves (Los Angeles Lakers).
Heto rin sina Steve Kerr, na siyang head coach ng buong team, kasama ang ating mga Kababayan na sina Erik Spoelstra, Asst. Coach; Tyronn Lue, Asst. Coach at Mark Few na isa ring Asst. Coach.
Bilang isa sa mga bansang magho-host, ang Pilipinas, nasiguro na natin ang spot para sa 2023 edition ng quadrennial tournament na may 2-2 record sa qualifiers.
Ang World Cup na ito ang magsisilbing daan umano upang mapaunlad pa ng ating mga manlalaro ang kanilang ipinamalas noong 2019, kung saan nabigo tayo sa inisyal na phase out pa lamang ng kompetisyon.
Ngunit sigurado namang dadagsa ang suporta at mga tagahanga ng Gilas Pilipinas lalo pa at kasama na ang NBA star na si Jordan Clarkson at pihadong magpapakitang-gilas din si Utah Jazz sharpshooter na tiyak na isa sa magiging main attraction sa pag-usad ng tournament.
Kaabang-abang din ang 21-anyos na si Kai Sotto at mula sa 21 player na nakatala sa Philippine roster ay kailangan tapyasin ni coach Chot Reyes na maging 12 para sa kumpirmasyon ng tournament.
Narito ang Final 12, na sina Jordan Clarkson, Kai Sotto, Dwight Ramos, Scottie Thompson, June Mar Fajardo, Jamie Malonzo, Japeth Aguilar, Rhenz Abando, RR Pogoy, AJ Edu, CJ Perez at Kiefer Ravena.
Ang kabuuang schedule ng lahat ay magaganap sa Philippine standard time-Biyernes (Agosto 25) Philippines vs. Dominican Republic ng alas-8 ng gabi sa Philippine Arena; Linggo (Agosto 7) Philippines vs. Angola , ganap na alas-8 ng gabi sa Araneta Coliseum; Lunes (Agosto 29) Philippines vs. Italy, ganap na alas-8 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Hindi naman malulungkot ang mga Kababayan nating mahilig sa basketball na hindi mapanood nang live ang laban ng Pilipinas dahil libreng mapapanood ang 2023 FIBA World Cup sa TV5 o kaya ay sa One Sports.
Samantala, lumakas naman ang kumpiyansa ng ating mga Kababayan na makukuha natin ang kampeonato dahil sa parehong naniniwala sina Japeth Aguilar at June Mar Fajardo na 2023 edition ng Philippine team na isasabak sa FIBA World ay mas mahuhusay kumpara sa batch 2014 na isinabak sa Seville, Spain.
Si Aguilar na isa sa kaunting senior player ng national team ay sinabing bagama’t mas maraming talentado sa kasalukuyang batch ay tutularan pa rin nila kung paano maglaro ang batch 2014 sa isa ring World Cup.
Kaya nga lamang ay medyo hindi pinalad ang batch 2014 dahil natalo tayo ng tatlong puntos lamang laban sa Croatians dahil sa overtime, naungusan din ang Pilipinas ng 12 puntos ng Greeks, tapos natupi rin tayo laban sa Argentina sa opening period sa score na 85-81.
Nabitin din ang ‘Pinas matapos na madaig tayo ng Puerto Rico sa napakanipis na 4 points ngunit ang Gilas Pilipinas ay isinara ang tournament sa 81-79 panalo laban sa Senegal, na nagtala sa kauna-unahan nating World Cup victory simula nang talunin natin ang Australia at Central African Republic nang ang tournament ay tinatawag pang World Championship noong 1974 sa San Juan, Puerto Rico.
Sa ngayon, malaking bentahe na sa homecourt makikipagtunggali ang ating mga manlalaro at tiyak na ang pagdagsa ng ating mga Kababayan sa opening night mamayang gabi ay lalo pang makapag-aambag ng lakas ng loob para ipanalo ang inaabangang laban.
Sa personal kong pananaw ay matindi ang Philippine team sa ngayon at malaki ang ating tsansa na masungkit ang World Cup dahil inaasahan nating magtatrabaho nang husto sina Jordan (Clarkson), Kai (Sotto) at Scottie (Thompson) na kasamang maglalaro ang kabuuan ng team.
Kaugnay nito, tiniyak ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na sabay nilang ibibiyahe ang Gilas Pilipinas at Dominican Republic patungong Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan para sa kanilang opening day match.
Para wala umanong masabi ay iko-convoy nila ‘yung dalawang teams, baka nga naman mauna ‘yung Gilas tapos mahuli ‘yung Dominican Republic at sabihin nilang sinabotahe sila at matalo dahil hindi nakarating dahil sa sobrang sikip ng daloy ng trapiko.
Naglaan naman ng point-to-point buses na libre ang organizer para sa mga tagahanga na nais manood sa Philippine Arena mamayang gabi kaya walang dahilan para hindi natin masuportahan ang ating team.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments