After 3 yrs. mula nang ikasal… EJAY, UMAMING TINA-TRY NA NILANG MAGKAANAK NI JANA
- BULGAR

- 1 day ago
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | February 6, 2026

Photo: File / Ejay Falcon - Instagram
Ang totoong dahilan kung bakit tumakbo ang aktor na si Ejay Falcon sa Kongreso at bilang gobernador ay dahil nakita niya na mas magkakaroon siya ng kakayahan kapag nanalo siya bilang kongresista sa mga bagay na gusto niyang gawin, lalo na para sa mga kabataan.
Nag-aral siya ng Bachelor of Political Science Major in Local Governance sa University of Makati habang vice-governor siya. Ngayon na wala muna siya sa posisyon, balik-aktibo muna siya sa showbiz kung saan napapanood siya sa seryeng Roja at ngayon nga ay sa pelikulang Kappa-tiran.
Naging malapit siya kay dating Senador Bong Revilla, Jr. dahil nagkasama sila sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis (WMNPSMNM). Nalulungkot si Ejay sa nangyayari sa dating senador na ngayon ay nakakulong dahil sa kasong malversation of public funds.
Para kay Ejay, wala siya sa posisyon para magsabi kung totoo o hindi ang ibinibintang sa actor-politician. Hiling niya na sana ay lumabas ang katotohanan at nasa mabuting kalagayan si Sen. Bong, lalo’t nailipat na ito sa ordinaryong selda.
Bilang dating senador at artista, panalangin ni Ejay na malagpasan ito ng aktor.
Samantala, tatlong taon nang kasal si Ejay kay Jana Roxas at sa ngayon ay sinusubukan na rin nilang magkaanak, dahil noong sobrang higpit ng schedule niya bilang public servant ay hindi muna nila ito naging prayoridad. Na-link noon si Ejay kay Ellen Adarna nang magkatambal sila sa Pasión de Amor (PDA). Nang tanungin tungkol sa hiwalayan nina Ellen at Derek Ramsay, naniniwala si Ejay na minsan talaga sa buhay-may-asawa ay hindi nagma-match at dumaraan sa mga pagsubok.
Nang tanungin kung naging sila ba ni Ellen, nilinaw ni Ejay na hanggang screen partners lang sila.
Sa tanong kung nanligaw ba siya rito ay paiwas niya itong sinagot at sinabing okay na siya.
Isa si Ejay sa mga bida sa pelikulang Kappa-tiran ng Mamay Productions sa ilalim ng direksiyon ni Direk Neal ‘Buboy’ Tan. Hindi pala siya naging miyembro ng fraternity dahil konserbatibo ang probinsiyang pinanggalingan niya. Dalawang buwan pa lamang siyang nag-aaral sa University of Manila (UM) nang pumasok siya sa Pinoy Big Brother (PBB) at itinanghal bilang PBB Teen Edition Plus Grand Winner.
EXCITED na si Kryzl Jorge o Love Kryzl para sa nalalapit niyang concert sa darating na July kasabay ng kanyang 10th birthday, kung saan ipaparinig niya ang kanyang all-original songs sa album.
Kamakailan ay ini-launch ni Kryzl ang pang-anim niyang original song na Hearts in Bloom sa Academy of Rock. Ang konsepto nito ay panibagong simula pagkatapos ng sakit at mga pagsubok.
Ang batang singer ang nag-compose ng kanta sa tulong at gabay ng kanyang voice coach na si Rachel Ann Pegason at ito ay produced ng Purple Hearts Production.
Nakakatuwa rin na bukod sa pagko-compose at pagkanta ay nasa puso rin ni Kryzl ang pagtulong, kung saan tutulong siya sa sampung katao o organisasyon sa pakikipagtulungan ng Purple Hearts Foundation.
Well, ang idolo niyang si Gigi De Lana ang gusto niyang maging special guest sa kanyang upcoming concert.
Dahil 10th birthday concert niya sa July, kukumpletuhin ni Kryzl na maging sampu ang kanyang mga komposisyon at may apat pa siyang kanta na kailangang tapusin.
Ang nauna niyang anim na kanta ay kasalukuyang available sa Spotify, Apple Music at Love Kryzl’s World YouTube (YT).








Comments